BEIJING – Humingi ng paumanhin si Gilas Pilipinas coach Yeng Guiao makaraang mabigo ang bansa na magwagi kahit sa isang laro sa 2019 FIBA Basketball World Cup.
Isang 95-75 rout sa mga kamay ng old Asian rival Iran ang tumapos sa brutal World Cup stint ng mga Pinoy, kung saan natalo sila na may average margin na 29.4 points. Nagawa lamang nilang makipagsabayan sa Angola kung saan natalo sila sa African nation, 84-81, sa overtime.
“Well, of course, una, we’re very sorry that we were not able to perform up to ‘yung siguro level na ine-expect nila,” wika ni Guiao matapos ang pagkatalo sa Iran.
“Kasi gusto lang naman natin na siguro, dikit-dikit lang. Pero even there, hindi natin makayanan,” dagdag pa niya.
Ang Gilas ay unang tinambakan ng Italy, 108-62, bago minasaker ng Serbia, 126-67, sa kanilang ikalawang laro. Tinalo rin sila ng Tunisia, 86-67, noong Biyernes sa classification stage.
Nakatakdang dumating ang national team sa Manila ngayong umaga at inaasahan sasalubungin sila ng maraming katanungan sa kanilang naging performance.
Nakahanda naman si Guiao na sagutin ang mga ito at sinabing siya ang responsable sa sinapit nila sa China.
“When you take this job, that’s part of the package that you have to answer for and be responsible for. Ano ‘to eh, kumbaga, high risk, high reward. Ano naman, high consequence din kung siguro, hindi mo naabot ‘yung objective mo,” aniya.