DOBLE-KAYOD ang pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para maniktik, magmanman, magpatrolya at bantayan ang mga grupo na posibleng banta sa paghaha sik ng karahasan sa idaraos na plebisito ngayong araw para sa pagratipika ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Nakabantay ang tropang gobyerno sa mga grupong Dawla Islamiya, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang terrorist group.
Sa kabila nito ay malaki ang tiwala ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na igagalang ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang pinakamalaking grupong sumusuporta sa “Yes” sakaling manaig ang “No” votes ngayong araw at sa darating na February 6 plebiscite.
Sinasabing kabilang sa mga pinaghahandaang worst case scenario ng pamahalaan ay kung mananalo ang ‘No’ votes.
Samantala, pinaghandaan din ng AFP at PNP ang mga nalalabing kasapi ng Maute group, ang ISIS influenced terrorist group. “They have the potential but for them to disrupt the plebiscite tomorrow (ngayong Lunes) is very unlikely,” ani Lorenzana.
Sa kabila nito ay naniniwala si Lorenzana na magiging maayos at matiwasay ang gaganaping plebisito.
Paliwanag ng kalihim, dahil kasalukuyang nasa Comelec control ang Cotabato City ay malaking puwersa ng pulisya at militar ang ikinalat para pangalagaan ang siyudad.
“Hence, I am confident that we will have an orderly, peaceful and uneventful plebiscite in Cotabato City, Isabela Basilan and the rest of ARzMM area,” pahayag pa ng kalihim.
Handang-handa na rin ang Comelec para sa plebisito.
“We have prepared extensively for this,” pagtitiyak ni Comelec Commissioner Al Parreño.
Tinatayang nasa dalawang milyong botante ang inaasahang makikilahok sa plebisito mula sa mga probinsiya ng ARMM, Isabela City sa Basilan, at Cotabato City sa Maguindanao.
Tinatayang nasa 75 porsiyento ang posibleng turn out.
Nagpaalala ang Comelec na isulat ang salitang “yes” o “no” o ang katumbas nito sa lokal na salita o Arabic.
Hindi tatanggapin ang boto sa mga balotang may tseke o kaya ay ekis na marka.
Magsisimula ang plebisito alas-7:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Sa darating na Pebrero 6 naman ay boboto ang mga residente ng Lanao del Norte maliban sa Iligan City, ang anim na bayan sa North Cotabato, at iba pang mga lugar na nagpetisyon sa Comelec para makalahok sa plebisito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.