Pinag-aaralan na ang posibilidad ng paglalagay ng urban cable car system para sa bansa upang maibsan ang trapiko sa Metro Manila.
Ito ay matapos magbigay ng grant na P27 milyon ang bansang France para sa pag-prepare ng isang feasibility study kung saan tutukuyin din ang mga lugar na maaaring lagyan nito sa Metro Manila.
Ang pag-aaral ay isinasagawa ng dalawang French company na eksperto sa paglalagay ng cable car system.
Ikinokonsidera rin ang paglalagay ng cable car system sa mga lugar na dinadagsa ng mga turista katulad ng La Union patungong Baguio at Caticlan patungong Boracay.
Aminado naman ang Department of Transportation o DOTr na ang cable car system ay isa lamang sa mga approaches na makatutulong upang masolusyunan ang imposibleng trapiko sa Metro Manila.
Naisulat na rin natin sa ating munting pitak na ito ang ukol sa paggamit ng ferry boat upang maibsan ang mabigat na trapiko sa Metro Manila. Sa ating pakikipagbalitaktakan sa isang opisyal ng DOTr, napag-alaman na rin nating ikinokonsidera ito ng Departamento at maging ang mga eksperto nito ay naniniwalang malaki ang maitutulong ng paggamit ng mga ferry boat para sa pampublikong transportasyon.
Sasailalim ang prangkisa para sa nasabing transport system sa ilalim ng MARINA. Dati nang may mga public ferry boat na bumbabagtas sa Pasig River, na namamasahero sa lahat ng lugar na dinadaluyan ng nasabing ilog.
Sa lupit ng trapiko ngayon, maiging ikonsidera talaga ito dahil malaki ang maitutulong nito sa pagreresolba sa heavy traffic at alternatibong public transport ng mga mananakay.
Halos buong Metro Manila ay kadudugtungan ng Pasig, tungo sa Laguna Lake, patungong Marikina River at tuluyan na hanggang Montalban sa Rizal.
Magkakaroon ng mga ferry station sa mga strategic na mga puwesto kung saan bababa at sasakay ang mga pasahero.
Masaya pa ‘yan, maaaring maglagay tayo ng gondolier upang magsilbing entertainment sa ating mga pasahero. Hindi malayong maging tourist attraction pa ‘yan na makadaragdag sa ating turismo.
Walang gagastusin ang pamahalaan d’yan dahil ipao-operate natin sa private groups ‘yan, maaaring magkaroon ng prangkisa upang magkaroon ng kompetisyon para sa mas magandang serbisyo.
Magpa-bid tayo para sa pinakamagaling na proposal para ma-maximize ang kapakinabangan ng taumbayan sa isang ferry boat alternative public transport system.
Makalilikha pa ‘yan ng dagdag na hanapbuhay para sa ating mga kababayan dahil bukod sa pagmimintine ng mga ferry boat, kinakailangan ding manatili ang lalim ng Pasig River at mga kadugtungang ilog at linisin ang mga daluyan sa water lily.
Kung mape-perfect lamang natin ‘yang ferry boat system sa Pasig ay pihadong higit 100,000 ding mga pasahero ang makikinabang araw-araw.
Inuulit ko ang paanyaya, tara na sa ilog Pasig, magharanahan at mag-enjoy sa biyaheng walang traffic.
Comments are closed.