KINALAMPAG ni ACT Teachers Rep. France Castro ang gobyernong Duterte na bilisan ang pagpoproseso at pamamahagi ng Yolanda aid para sa mga empleyado ng Department of Education na naging biktima noon ng supertyphoon Yolanda.
Limang taon na ang nakalipas ngunit wala pa ring natatanggap na tulong ang maraming teaching at non-teaching personnel na biktima ng Yolanda.
Ayon kay Castro, naging mahirap para sa mga biktima ng Yolanda ang requirements na hinihingi para sa ibibigay na ayuda bukod pa sa naging napakabagal ng Presidential Management Staff (PMS) noong panahon ng nakaraang Aquino administration.
Bigo rin hanggang ngayon ang Duterte administration na aksyunan ang problema.
Batay sa tala ng PMS, sa 49,352 beneficiaries nasa 11,881 lamang ang nakatanggap ng buong Yolanda aid habang nasa 37, 471 o 76% ng mga biktima ang naghihintay pa sa 2nd tranche ng tulong pinansiyal.
Maliban dito, na-downgrade din ang evaluation ng damages ng mga nasirang bahay mula sa ‘totally damaged’ na makatatanggap sana ng P100,000 ay naging ‘partially damaged’ na nasa P30,000 na lamang na financial aid kaya hirap ang marami sa mga biktima ng supertyphoon. CONDE BATAC
Comments are closed.