YORME ISKO, KAILANGAN SA BAYAN NI JUAN!

AMOY na amoy na ang 2025 elections, at atin nang nakikita ang mga trapo, mga nagpapanggap na public servants na nais na sila ay ating iboto.

Kailan ba tayo matututo na iboto ang talagang karapatdapat na manungkulan sa ating mga bayan, lungsod, mga lalawigan at sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Kilala naman natin ang karakter ng mga politikong ito, pero sa kung anong dahilan kung sino pa ang tiwali, sila ang madalas na nailuluklok dahil sa pandaraya at sa mga kasabwat sa Comelec.

Kailan tayo magbabago?

o0o

Hindi bola ang pagiging mahirap ni dating Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso: bukas na aklat ang buhay basurero niya sa Tondo.

Naranasan niya ang humapdi ang sikmura sa gutom at upang kahit paano ay mabusog, naghalungkat siya ng mga tirang pagkain at namulot ng basura para may konting barya.

Sanay siyang magbanat ng buto at magpatulo ng pawis at nabuhay siya na tulad ng karaniwang pamilyang mahihirap.

Hindi niya sinisi ang kargador na amang si Joaquin at labandera at utusang nanay Rosario Moreno Domagoso.

Katwiran niya, hindi malas ang maging mahirap; pero malaking malas kung sa pagiging tamad at hindi masikap ay manatiling dugyot ang buhay.

Kaya nang gumaan ang buhay sa showbiz, nagsumikap siya na mag-aral, nagpakahusay sa politika hanggang matupad ang mga pangarap.

Alam niya ang karanasan ng isang mahirap na pamilyang iskwater na walang sariling bahay, walang tiyak na trabaho at walang magandang buhay na maaasahan.

Kaya noong meyor siya, nagpatayo siya ng maraming pabahay, mga condominium para sa dugyot na probinsiyanong naakit dumayo sa Maynila na ang nasumpungan ay buhay iskwater.

Kahit paano, napanatag ang buhay ng mahihirap dahil may sariling tahanan na sa maliit na hulog kada buwan, ang pamilyang dugyot ay hindi na matatakot sa peligro ng buhay sa panahon ng kalamidad, bagyo at lindol.
Problema ang pagkakasakit, mabilis na ayudang gamot at ospital sa mahihirap; salaping pandugtong buhay sa panganib ng gutom dala ng pandemya, iyon ay mabilis na naibigay noon ni Yorme Isko sa Manilenyo.

Mga gamit na cellphone, tablet, gadget na may kasama pang libreng wifi at pagkain ang natatamo ng mga batang Maynila sa ipinaayos na paaralang publiko.

May allowances pa ang mga batang Maynila, pati ang mga senior citizen ay may buwanang “pensiyon” sa gamot at pagkain.

Welcome sa libreng aral sa kolehiyo at unibersidad sa Maynila ang kahit mga taga-ibang lugar basta makapapasa sa requirement.

May ganito bang polisiya ang ibang bayan at siyudad sa labas ng Maynila noong si Yorme Isko pa ang may hawak poder sa Maynila, wala, wala yata.

Mga kalye sa Maynila na sagabal sa daanan ng motorista at mga tao, ipinalinis at ipinaayos niya.
Kahit barangay hall na nakalawit sa bangketa at kalsada, ipinagiba niya para ligtas na madaanan ng tao.

Mga tiwaling opisyal sa pamahalaang lungsod, agad niyang sinususpinde o kaya ay inaalis sa trabaho kahit kaibigan pa sila at kaalyado.

o0o

Saan sa Metro Manila may maganda at magarang sementeryo sa mga kapatid nating Muslim, wala, wala yata pero mayroon sa Maynila.

Yan Lacson Underpass na ginawang pugad ng negosyo at tambayan ng mga pasaway, nalinis na at isang magandang museo sa siyudad.

Pinaganda ni Yorme Isko noon ang mga parke tulad ng Mehan Garden, ang monumento ni Gat Andres Bonifacio at ipinaayos ang mga tulay tulad ng Jones at Quezon Bridge.

Ang tanging kagubatan sa Lungsod – ang Arroceros Park ay pinagaganda nang husto, may water fountain, kongkretong daanan, palaruan at maaliwalas na pasyalan at sinigurado ni Yorme Isko noon na pangangalagaan, babantayan at payayamanin pa ang santuwaryo ng mga ilap na hayop at mga ibon doon.

Walang ipapaputol na punongkahoy at sa halip, magtatanim pa ng maraming punongkahoy upang ito ay manatiling pagkukuhanan ng sariwang hangin sa mapolusyong Maynila.

Pinaganda at naging mahusay ang serbisyo sa cityhall noong panahon ni Kois, at noon ay may maluwag na pautang sa mga maliliit na negosyante na tinamaan ng perwisyong pandemyang COVID.

Ang lahat ng iyan ay maayos na naisakatuparan at ginawa ni Yorme Isko noong siya pa ang alkalde ng Maynila.

o0o

Sa usapin ng karapatan ng bansa sa teritoryong inaagaw ng China sa West Philippine Sea.

Mungkahi ni Yorme Isko na gumawa ng paraan upang maakit ang ibang bansa na suportahan ang Pilipinas para maiayos ang gusot sa malayang pangingisda sa teritoryong sinasakop ng China sa teritoryong sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas, ayon sa matagumpay na desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague.

Mungkahi rin niya kung maaari ay iiwas ang Pilipinas sa digmaan sa China pero kung kailangan na manindigan, dapat ay gawin ang lahat ng dapat gawin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para ipagtanggol nang buong tapang ang bansang Pinas.

Kung kinakailangan sabi ni Yorme ay laging igiit ni PBBM ang tulong militar ng US, ayon sa Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Amerika, ito ay kung sadyang kailangan na.

o0o

Tao, kabuhayan, kalusugan, edukasyon, dignidad at payapang buhay ang laging una kay Yorme Isko.

Samahan natin si Yorme Isko, suportahan natin siya dahil kailangan ng bansa ang mga karapatdapat na manungkulan sa bayan ni Juan.

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].