YORME ISKO: KAPAG MAMAMAYANG MANILENYO NA ANG HUMILING, SINO AKO PARA TUMANGGI?

NAIS kong ibahagi, i-share sa ating mambabasa ang ilan sa reaksiyon sa ating kolum, tungkol sa isyu ng planong pagtakbo ulit, bilang alkalde ng Maynila ni Yorme Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Sabi ng isang nagpakilalang si Mang Bert, na-miss niya ang action agad na administrasyon ni Isko, at naalaala niya ang mga ginawa ni Mayor Moreno noong ito ang alkalde.

Naalaala niya ang ginawang paglilinis sa Liwasang Bonifacio at ang paligid niyon na naging tambayan ng mga adik, homeless at ng mga petty criminals.

“Amoy-ebak ang Liwasan, e andun pa naman ang bantayog ni Gat Andres (Bonifacio), at andun ang isa sa pinakamalaking illegal terminal ng mga jeep, biyaheng Cavite at Las Pinas,” sabi niya.

Sabi ni Mang Bert, dating taga-city hall, naalaala niya ang pagkadismaya ni Isko kasi nga naman, katabi lang ng city hall ang Liwasan, amoy-kubeta ‘yun, napakarumi.

Ngayon, balik na ulit sa dating amoy-panghe at amoy-tae ang lugar, “masabi pang doktora ang mayora namin” ngayon, reklamo ni Mang Bert.

Pati ang Lacson Underpass na naging commercial complex, “ibinalik niya sa pedestrian” pero ngayon, tambayan na naman ng mga lumpen, at kalat-kalat ang dumi na unang makikita ng mga taong nagpupunta sa Maynila para sa trabaho, eskwela o may nilalakad sa iba’t ibang opisina ng gob­yerno.

Sabi naman ni Aling Letty, laging updated ang publiko sa bawat araw tungkol sa mga events at ginagawa ng taga-city hall sa social media accounts ni Yorme Isko.

“Kahit hindi taga-Manila, alam kung ano ang nangyayari, e ngayon, wala, parang may itinatago, walang accountability. E nun, laging may regular media conferences para alam ng mga tao ang ginagawa nila,” sabi ni Aling Letty.

Pinatino ni Yorme Isko ang pulis-Maynila sa Liwasan, at sumunod ang marami pang all-out cleaning program sa matao, pook negosyo sa Quiapo, Divisoria at iba pang palengke ng Maynila.

Tinupad ni Kois ang pangako niya na pagbabago sa siyudad na nang iwan niya sa kamay ng unang female mayor — ang Maynila ay masigla, maganda at maayos, at kaban-yaman, totoong umangat.

Dinadayo ang Maynila sa pagsigla ng turismo; sa panahon ng pandemyang CO­VID-19, naging modelo ang Maynila sa mabilis na tugon sa mga may sakit at kahit dayo mula sa ibang LGU, ipinagagamot ni Yorme Isko sa mga klinika at mga ospital, kaya mara­ming mamamayan ang naagaw sa kuko ng kamatayang dala ng COVID-19.

Iba ang bitbit na health care sa lahat, inayos ang traffic at ilang libong trabaho ang nalikha ni Yorme sa maraming infra projects na tulad ng mga ipinatayong condo units sa mga taong walang-wala sa buhay.

Ito ang sabi sa ma­raming komento sa messenger, tawag at emails sa amin — na ang tanging nasasabi namin, paano kokontrahin ay totoo naman ang kanilang mga sinabi.

Ang kritisismo na siya ay “artista” lamang at walang gaanong pinag-aralan ay pinatunayan niyang mali at walang basehan.

Kung totoo man na wala siyang high education na tulad ng iba, ang katotohanan na anak siya ng estibador at labandera ay siyang dahilan kung bakit siya — na dating basurero, padyak driver at artista lamang daw — ay alam na alam ang pulso, puso at naisin ng mga batang Maynila.

Kung kaya niyang umasenso, ang sarili niya, ang ginawang modelo ni Yorme upang iangat ang tiwala ng maraming gaya niyang anak-mahirap na uma­ngat, at mangarap ng maayos na buhay.

Kaya matagumpay ang kanyang ISKOlar na ngayon, marami sa mga kabataan ay may mararangal nang trabaho, maayos ang estado sa buhay, at may marami nang ambag sa ating lipunan.

Isang ISKOlar ang nagmensahe sa amin, na kundi raw kay Yorme, baka kabilang na siya sa mga yagit ng lipunan.

“He has inspired me. Marami kami na ISKOlar niya ang ngayon ay may matatag na hanapbuhay at dahil sa kanya, ipinagpapasalamat namin sa kanya kung anoman kami ngayon,” sabi ng ISKOlar na nagpatawag sa pangalang  “Faith.”

Bagito pero kilos beterano sa pagiging chief executive at ‘di maitatanggi, maraming alkalde sa ibang bayan ang binisita si Yorme, nagtanong, nag-usisa kung paano niya nagawa na maibalik ang sigla at ningning ng Maynila.

At ang tanging naging sagot ni Isko, pag ang puso ay katibok ng mahihirap, hinding-hindi magkakamali sa pagpapatupad ng batas.

Kaya nga, maraming kilalang politiko, alkalde, senador, kongresista at maging negosyante at taga-ibang bansa ay pinuri si Yorme Isko.

Pero ano ang estado ng Manila City Hall ngayon?

Balik sa dati ang magulong Divisoria at paligid ng commercial district; balik sa dati ang magulong takbo sa Quiapo, Juan Luna at mga palengke ng Maynila at hari at reyna ulit ang sidewalk vendors.

Balik ang masisikip na kalye na ‘di na madaanan at nagtatakip ng ilong ang mga commuters at passers-by.

‘Yung dating maayos na sistema ng pagtitinda ng vendors na wala nang mga kotong, ano ang nangyayari — alam ng mga hepe sa city hall ang para kay “Edi” at para sa “Itaas.”

Wala nang “etneb” napalitan na ito ng “Tito-Vic-n-Joey” at ang mga parkeng pinaganda ay pugad na ulit ng mga tambay at mga haragan.

Dahil sa halip na sumulong ay umurong ang Maynila, tama lamang na naisin ng ma­raming Manilenyo na ibalik si Yorme Isko sa city hall.

Kung noon ay puno ng pag-asa ang mga residente na tuloy-tuloy ang pagganda at pagi­ging maayos ng iniwang Maynila sa kamay ng bagong pamamahala, marami ang nanlumo at patuloy na nadidismaya.

Kasi kung totoo ang ipinagmamala­king ganda raw ay lalo pang gumanda, walang maririnig na clamor o sigaw ng Manilenyo na bumalik si Yorme Isko.

Marahil magkakaisa ang mga kakampi na hikayatin siya na tumakbo sa Senado — na malaki ang tsansa ni Yorme na manalo.

Pero hindi iyon ang gusto ng marami sa cityhall at sa City Council, at ang nais nila, kasama ang mga opisyal ng barangay, ng NGOs ay ibalik ang dating sigla ng Maynila noong si Moreno ang alkalde.

Sabi ng isang mensahe sa amin: “We share the vision of former Mayor Moreno to make a comeback. We need a mayor who is an innovator; we want a leader who loves programs that are people-centered, not of personal interest.”

Sana ay mabasa ito ni Yorme Isko para mabuo na niya ang pasya na tumakbo uling alkalde ng Maynila.

Wag sana siyang magpadala sa mga emotional request at paawa effect ng mga (dating) kaalyado na ‘wag nang bumalik sa city hall.

Tama ang sinabi ni Yorme na ang pagkakaibigan ay natatapos kung ang nakataya na ay ang kapakanan ng taumbayan.

At paano niya tatanggihan ang hiling ng mamamayang Manilenyo na siya ay magbalik bilang alkalde nila.

Sabi noon ni Yorme Isko, kapag ang taumbayan na ang humiling, sino siya para tumanggi.

The call of duty cannot be ignored — at sana, tumakbo nga siyang alkalde at ibalik ang katinuan ng pamamahala sa Manila Cityhall.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected]