IBA talaga si Manila Mayor ‘Isko Moreno’ Domagoso, dear readers pag kumilos, mabilis, masinop at sigurado ang magandang resulta.
Maagap na, masikap pa lalo na sa panahon ng emergency, lalo na ngayon, ang dami ng tinatamaan ng Omicron variant – na ang daming LGUs ang nagulat at ngayon kung saan-saan naghahanap ng maibibigay na bakuna at anti-viral medicines laban sa pandemya.
Pero si Yorme Isko, two months, bago ang surge ng Omicron, nakapaghanda na, kaya magugulat ka, pati hindi residente ng Maynila, welcome na humingi ng gamot kontra COVID.
Kampante ang Manilenyo, kasi, anytime, may gamot na inihanda si Yorme Isko, maraming bakuna sa Vaccine Storage Facility sa Sta. Ana Hospital.
Bukod sa mahigit na 300,000 doses ng bakuna na nasa storage facility, may nakapending pang order na bakuna para sa mga menor de edad.
Kaya nga, tiwalang-tiwala si Vice President candidate Doc Willie Ong at senatorial candidate Dr. Carl Balita, pag si Yorme ang mananalong presidente, hindi lang happy, panatag pa ang masang Pilipino sa makukuhang mahusay na medical service program.
At nakagugulat pa, welcome na welcome kay Yorme Isko ang mga taga-ibang lugar na manghihingi ng free anti-COVID-19 vaccine at gamot.
Kasi nga, may sapat na supply, tulad ng 179,000 doses ng Pfizer; 55,000 ng Moderna; 38,000 ng Astrazeneca; 6,500 ng Janssen at 3,700 doses ng Sinovac.
Ang bilin lang ni Yorme Isko sa kukuha ng gamot, magdala ng tunay na reseta ng doktor at tumawag muna sa Manila Health Department nang maasikaso ang nire-request na medication.
Mayaman, mahirap, pwede kay Yorme Isko, kasi, para sa kanya, hindi ipinagdaramot ang gamot para makapaligtas ng buhay.
“Mahalaga ang buhay. Sa kaya namin, magbibigay kami ng gamot, magbibigay kami ng tulong para makapaligtas ng buhay,”sabi nga ni Yorme Isko.
Paanong hindi mo hahangaan at mamahalin ang alkaldeng ito.
***
Hindi salita lang iyon, kasi nga noong Sabado (Enero 7) ng gabi, mga taga- Cagayan, at Bicol na mga tsuper, delivery boy ang binigyan ng booster shots sa Bonifacio Shrine at noong Biyernes, mga courier ng Grab, Angkas, Lalamove, Shopee, Mr. Speedy, FoodPanda,at Lazada ang binigyan ng bakuna at booster shots – lahat libre!
Kasi nga, kung magkasakit ang mga food courier, mga transport driver na naghahatid ng produkto sa Metro Manila, paano na ang mga nasa bahay … nganga na lang?
Paano kakain ang nasa bahay lang na binabawalang lumabas; ang mga maysakit na kailangang may bumili ng gamot para sa kanila, at paano ang nagnenegosyo, paano kikita at mapapakain ang kanilang mga pamilya?
“Yang buhay ang importante sa amin dito sa Maynila, ang kaligtasan ng tao ang mahalaga, … saka, wag mag-alala ang mga kababayan ko, meron po tayong resources,” sabi ni Yorme.
Kaya mahal na mahal ng mga tao si Yorme Isko; kaya marami ang humahanga sa kanya, at ang gusto siya ang manalong presidente sa eleksiyon sa Mayo.
***
Hindi porke, busy si Yorme Isko sa paglaban sa Omicron variant, e nakalimutan na niya ang mga sinalanta ng bagyong Odette.
Wala man ang personal presence ni Yorme Isko, aktibo naman si Ma’am Dynee Domagoso sa pamimigay ng relief goods, financial assistance at iba pa, kasama ang mga volunteers ng Manila Disaster and Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas, Mindanao at Palawan.
Aba, libo-libong residente ng bayan ng Sogod sa Southern Leyte ang binigyan ng tulong na pagkain at iba pang ayuda, at ang nakakatuwa, may tarpaulin na isinalubong si Mayor Emi Tan kay Mrs. Domagoso na ano ang nakasulat: “Ang nag-iisang asawa ni Isko Moreno.”
Sa Bohol at sa Antique, nagdala rin ng relief goods si Ma’am Dynee at mga volunteer ng ‘Team Isko.
Tumulong ang Team Isko sa Cebu, Agusan, Mandaue City, Surigao City, Negros Oriental at sa Puerto Princesa sa Palawan sa clearing at rescue operations; namigay sila ng malinis na inuming tubig; nagtayo ng mga tolda para may pansamantalang matirahan ang mga sinalanta ng bagong Odette.
Kaya nagpapasalamat ang mga biktima ni Odette kay Yorme Isko at sa mga mamamayan ng Maynila at iba pang pribadong tao na nagmalasakit na sila ay tulungan sa panahon ng kagipitan at sakuna.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].