YORME ISKO: MANILA CITY HALL ANG TARGET SA 2025

KAHIT mataas ang tsansa ni Yorme Isko Moreno (Francisco Moreno Domagoso) na maging senador sa 2025 midterm elections, parang ang target niya ay maupo ulit sa Manila City Hall.

Laging nasa Magic 12 si dating Manila Mayor Domagoso na mananalong senador, pero naintriga kami sa huling social media post niya.

Noon ay marami na ang nag-advise kay Yorme Isko na muling tumakbong mayor ng Maynila, lalo na at talagang sobrang ganda ang accomplishment niya sa loob ng tatlong taon.

Pero mas malakas ang karisma ng Malacanang at ito ang pinuntirya ni Yorme na ang mga ginawa sa Maynila ay totoong hinangaan ng maraming LGUs sa bansa.

E, sino ba ang makatutulad sa naipatayo ni Mayor Domagoso na Tondominium I and II, modernization ng mga ospital, mabilis na kilos na serbisyo na kahit hindi Manilenyo, nailigtas ang buhay sa ipinamigay na libreng iniksiyon at mga gamot laban sa COVID-19.

At ang ISKOlarsip, ayudang pinansiyal sa lahat –seniors, PWDs, mga batang Maynila, pagsasamoderno ng public schools, suporta sa maliliit na negosyante, paglilinis sa lungsod, todong kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang proyekto na tinatamasa ng mga residente ng siyudad.

Di ko na babanggitin pa ang ibang magagandang nagawa niya, kasi alam na ito ng lahat, lalo na ng mga botante ng Maynila.

Ayon sa balita, kung sa boxing, panay na ang ensayo at pagpapalakas niya, kasi nga, he is eyeing the Manila City Hall at ang pagbabalik niya, ang kanyang makakalaban ay ang kanyang kaibigan, katiket noong unang manalo siya, ang nakaupong Mayor Honey Lacuna.

What!? naitanong ko sa isang kaibigan sa media na nagbulong sa akin, sabi ko, alam ko, Senado ang target ni Yorme.

Pero noong Martes, July 16, nagpahiwatig na siya na magbabalik sa Maynila si Yorme, kasabay ang pagtatayo niya ng kanyang bagong partido politikal, ito ang “Bagong Maynila.”

Sabi niya sa kanyang Facebook post, tapos na, putol na ang kadena ng pagkakaibigan nila — personal at politikal — ni Mayora Honey.

Sabi ni Kois sa kanyang FB post: “Ang pagkakaibigan ay nagtatapos kapag ang pinag-uusapan ay ang kapakanan ng taumbayan.”

At sa pahayagang Daily Tribune, ito ang ating nabasa: nabigo ang miting nina Dr. Honey at Yorme na buuin kung sino ba ang standard bearer ng partido nila — ang “Asenso Manilenyo” at bunga nito, kumalas si Isko sa partido at ito nga, itinayo niya ang partido niyang “Bagong Maynila.”

Kalas-kalas na nga, wasak na ang dating partidong matibay at sa “Bagong Maynila” ay sumama kay Yorme Isko ang mga kakamping konsehal, sila ay sina Timothy Oliver Zarcal, Darwin Awi Sia at Elmer Par.

Kasama rin sa bagong partido sina Konsehal Jesus Taga Fajardo, Dr. Irma Alonzo, Ian Banzai Nieva, Joel Villanueva, DJ Bagatsing, Lady Quintos, Mon Yupangco, Jaybee Hizon, Bobby Espiritu at Sangguniang Kabataan Federation Cchairman Yanyan Ibay.

At balita natin, marami pang konsehal ang nagpasabi na lilipat sila kay Yorme at iiwanan na si Mayora Honey.
Hehehe…, paano ‘yan, talagang bakbakan na, at ang dating matamis na “honey” ay umasim na, at sa susunod na mga araw, ang unang 13 konsehal na kasama na sa “Bagong Maynila” ay madaragdagan pa!

Eto ang matindi, kumalas na rin, ayon sa balita, ang maraming kaalyado ni Yorme Isko na may sensitibong posisyon sa administrasyon ni Dra. Honey!

Naku po, giyera na talaga sa Maynila, at ang deklarasyong magbabalik ang “Hari ng Tondo” na si Isko ay nagpapatotoo sa matagal nang huntahan na Da Yorme is Coming Back to Manila, at parating na ang mga bagong excitement sa Manilenyo.

Iba raw kasi ang liderato ni Yorme Isko sa Maynila na nawala, at ngayong babalik siya, maging ang mga opisyal ng barangay, naglilinyahan na rin, at sabi, nasasabik na makabalik ang makisig, mablis na kilos na serbisyong tatak ni Isko.

Kasi raw, kung noon ay masigla ang galaw sa City Hall, ngayon ay matamlay ang galaw sa siyudad, at ang naipangakong mga programang mabilis na sinimulan ni Yorme Isko ay naging makupad, at naiwan uli ang Maynila sa karera ng pag-unlad ng katabing siyudad sa NCR.

Kung sa halaman, masakit sabihin, “nabansot” ang paglaki sana ng Maynila — na nawala ang episyenteng pamamahala at programang mag-aangat sa karaniwang mamamayan.

Sa mga kapwa media person na nakausap ko, sila man ay excited rin sa pagbabalik ni Yorme sa City Hall na bawat araw, parang may festivity na dapat ipagdiwang at ang mga programa na ang tuon at diin, para sa lahat ng Manilenyo.

Good news ito, sabi ng maraming Manila City Hall reporters!

o0o

E, kumusta naman ang mga proyektong sinimulan ni Isko, nagtuloy-tuloy ba?

Sabi ng mga nakausap ko, walang gaanong gumalaw na programa at marami sa mga infra projects ni Isko na ipinangakong itutuloy ng kasalukuyang administrasyon, hindi raw natapos.

Naiwang nakatunganga kumbaga sa isang uugod-ugod na matanda.

Pero, teka, ito ay kinontra ng tropa ni Dra Honey at hindi nagpatinag, at kahit pa si Yorme ang kalaban sa susunod na halalan, kumpiyansa na bibiguin ang pagbabalik ng dating kaalyado.

Kung may “Bagong Maynila” si Yorme Isko, aba, e mayroon naman pangakong “Magnificent Manila” si Doktora.

Hindi totoo, sabi ng tropa ni Mayora Honey na tumigil ang orasan ng pag-unlad sa Maynila, kasi pinasigla niya ang mga serbisyo sa Manilenyo, lalo na sa kalusugan, edukasyon, hanapbuhay at ang kanyang maka-Inang kalinga sa mamamayan.

At ang ekonomya ng Maynila, lumago raw at tumaas ang annual revenue at maayos ang paggastos sa taxpayer’s money!

Hindi pa man nag-uumpisa ang kampanya, inaasahan na natin, uulan ng batikos sa magkabilang partido ng “Bagong Maynila” at ng “Magnificent Manila” at ang pinakamagaling na track record ang magpapatunay kung alin sa dalawang ito ang mananaig sa puso at balota ng mamamayang Manilenyo.

Kung may mga programang maipagmamalaki ang pamahalaang Lacuna, sabi ng isang nagbitiw na City Hall official, ‘yon daw ay “poor copy cat” ng orihinal.

Sabi niya: “May tatalo ba sa orihinal? Kinopya na nga, hindi pa napaganda. Tapos may battle cry sila na gagawing ‘magnificent’ ang Manila, e sila ang nakaupo ngayon. Asan ang magnificent, asan, ipakita nga nila!”

Wanakosey, mga kapatid!

Sabi nga ni Yorme, don’t panic ISKOrganic!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo com.