YORME ISKO: PILIPINO MUNA, BAGO ANG IBANG TAO!

KUNG ‘di ngayon kikilos ang gobyerno, tiyak ang pagkawala at pagkasayang ng ating yaman – sa karagatan at sa mga lupang sakahan.

Nasabi ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso dahil tunay ngang nakalulungkot na ang malawak na mayamang dagat ng Pilipinas ay dayuhan ang nakikinabang.

Maraming matatabang lupang matataniman at maaanihan ng masusustansiyang pagkain ang kungdi nakatiwangwang, binabago ang gamit sa di-maayos na paraan.

Dati, malaya ang mangingisdang Pilipino sa dagat natin, pero ngayon, lumalapit pa lamang sa dating pangisdaan, bombang tubig na ang isinasalubong ng barkong pangisdaan ng China, at wala kundi protesta, ngawngaw at iyak lang ang sagot natin sa pambabrasong ito – ng bansang sinasabing tayo ay kaibigan nila.

Hindi papayagan ito ni Yorme Isko kung siya ang pangulo; hindi lang protesta ang gagawin niya, magpapakita siyang ‘golpe de gulat’ nang maisip-isip ng China, hindi tayo kakaning-itik at dapat na tratuhing kaibigang nirerespeto.

Panahon na para isamoderno, palakasin ang puwersa ng navy at coast guard natin na ang gagawin ay bantayan, patrolyahan ang malawak na pasigan at teritoryong sakop ng ating exclusive economic zone.

Kung puwede lang, bukod sa barko de giyera, magkaroon tayo ng submarino at makapagpatayo ng base militar sa sakop nating teritoryo sa West Philippine Sea.

Pero sa ngayon, patrolya muna, dagdag na gamit, tao at gamit sa giyera ng mga barko ng navy at coast guard; dagdag na investment sa Armed Forces.

Hindi na siya papayag na maulit pa ang ginagawang pagharang ng Chinese Coast Guard vessels sa barko natin at pagsaway sa pangingisda natin sa mga bahura na atin nang pinangingisdaan noon pa man.

Wika nga ni Yorme, itong West Philippine Sea ay atin, kaya dapat matapang na ipaglaban at igiit ang ating karapatan.

o0o

Dapat tayo ay ‘fearless’ na ipasunod ang ating panalo sa WPS na desisyon ng Arbitration sa The Hague, ayaw man ng China.

Ayaw niya ng giyera, sabi ni Yorme Isko, dahil alam niya, sa ngayon, wala tayong lakas pa para sa gayong hakbang, pero maipagtatanggol natin ang sarili tulad ng halimbawang ginawa ni Indonesian President Widodo.

Noon, hinahabol ng Chinese vessel ang mangingisdang Indonesian, at ginawa ni Widodo, sa isang barko nagdaos siya ng Cabinet meeting at nang sumulpot ang dayuhang barko, pinalayas, pinasabugan at ano ang nangyari, parang asong bahag ang buntot, tumakas ang mga nambabraso sa karagatang sakop nila.

Kung siya ang pangulo, gagawin ni Isko ang ginawa ni Widodo, at magpapakita ang Pilipinas ng golpe de gulat din dahil ang karagatang sinasakop ng China ay tunay na atin.

Sa panahong ito, hindi mangangahas ang China na pumasok sa gulo, lalo at nagkakaisa ang maraming bansa sa Asia at sa Europa na kailangang maging malaya ang ruta ng daang-barko para sa maayos na daloy ng kalakalan, negosyo at tunay na ispiritu ng pagkakaibigan at pagkamamamayan ng mundo.

o0o

Sa problema ng food security, magalit man ang maraming land developer, nais ni Yorme Isko na ipatigil muna ang conversion ng matatabang lupang agrikulural para gawing lugar ng mga residensiyal at komersiyal.

Aanhin mo nga naman ang bato, kongkreto kung magugutom naman ang tao!

Kakampi siya ng progreso, pero hindi progresong perwisyo sa tao, kasi, paniwala ni Yorme Isko, mas unahin ang Tao, bago ang lahat!

Sa plano niya, kailangang muling rebisahin ang mga batas sa pagpapalit-gamit ng lupa at idisenyo ang mga lupa para sa tirahan ng tao, negosyo at ang lupang gagamitin sa paglikha at pagpaparami ng pagkain.

Kung tinutulungan ng gobyerno ang mga propesyonal, mga akademisyan, tekniko at iba pa, unahin din ang tulong sa mga magsasaka at trabahador sa lupa.

Kung walang pagkaing sapat sa Pilipinas, ang yayaman ay ang ibang bansa.
Pilipino muna, bago ang ibang tao!

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected].