SA kahit na anong panahon at pagkakataon, isa lang ang kadalasang iniisip ng mga negosyante—nagsisimula man o matagal nang nakatayo ang kanilang business—at iyan ang lumago ang kanilang negosyo.
Maraming paraan kung paano palaguin ang isang negosyo. Gayunpaman, kailangan nating maging mapangahas upang makamit ang inaasam-asam.
Kaya naman, para lumago o kumita ang negosyong mayroon ang bawat young entrepreneurs, narito ang ilang tips na kailangang isaalang-alang o subukan:
SIGURADUHING MABUBUTING TAO ANG NAKAPALIBOT SA IYO
Sa pagtatayo ng isang negosyo, isa sa mainam gawin ay pag-iisip ng positibo. Maganda rin kung hindi lamang ang inyong gawi ang positibo kundi maging ang lugar na inyong ginagalawan at ang mga taong nakapalibot dito.
Kung positibo nga naman ang mga kasamahan sa trabaho gayundin ang opisinang ginagalawan, magiging positibo rin ang takbo ng inyong negosyo.
Kaya naman, maging mapili sa mga kukunin o iha-hire na tao. Kung mayroon namang taong medyo sablay ang ugali, kausapin ito ng maayos.
Mahirap kasing gumalaw at makausad kung ang isang lugar o opisina ay puno ng bad vibes. Kung negatibo ang pagtingin ng isang tao gayundin ang kanyang gawi, malaki ang magiging epekto nito sa pagtaas ng isang negosyo.
Kaya maging maingat, unang-una sa pagpili ng mga makatatrabaho. Ikalawa, kung may nakuhang empleyado na medyo may masama o hindi magandang ugali, kausapin at tulungang mabago ang kanyang pagtingin at nakagawian.
PATULOY NA I-CHALLENGE ANG SARILI
Patuloy na tumuklas ng iba’t ibang kaalaman sa pagnenegosyo, isa iyan sa kailangan nating gawin. Hindi natatapos sa pagtatayo ng isang negosyo ang obligasyon mo. Kailangang mag-isip kung paano ito makatatayo at lalago.
At upang makamit ito, patuloy na tumuklas ng iba’t ibang kaalaman at teknik sa pagpapatakbo ng negosyo.
Lagi’t lagi ring i-challenge ang sariling kakayahan. Huwag makontento sa kung ano lang ang mayroon o alam.
GAMITIN ANG FREE PLATFORMS
Kailangang maging maingat sa paglalabas ng pera o paggastos, isa pa iyan sa lagi nating iniisip. Bago magdesisyon, laging pinag-iisipan munang mabuti. Kadalasan din ay humihingi ng tulong sa mga kaibigan, kamag-anak at katrabaho sa puwedeng gawin.
May mga paraan para makilala ang iyong negosyo nang libre. At iyan ay ang paggamit ng social media.
Sa ngayon, kinahiligan na ng marami ang social media kaya naman puwede mo itong gamitin nang makilala at makaabot sa mas maraming Filipino ang iyong negosyo.
MAGTIWALA SA SARILING KAKAYAHAN AT SA NEGOSYONG SINIMULAN
Magtiwala, hindi lamang sa mga katrabaho o kasosyo kundi maging sa iyong sariling kakayahan at sa negosyong sinimulan.
Para magtagumpay at makuha ang tiwala ng marami, unang-una ay kailangang may tiwala ka rin sa iyong sarili. Gayundin sa produkto o serbisyong iyong sinimulan.
Sa pagsisimula naman ng negosyo, hindi basta-basta ang pag-iisip niyan. Maraming research ang ginagawa natin. Hindi lamang din iisa o dadalawang kaibigan, kakilala o kamag-anak ang hinihingian natin ng opinyon.
Naniniguro nga naman tayo.
Hindi rin naman tayo magtatayo ng negosyong ayaw natin o sa tingin natin ay hindi papatok.
At kumaharap man sa pagsubok ang iyong negosyo, patuloy na magtiwala sa iyong kakayahan at sa negosyong sinimulan.
MATUTO SA MGA PAGKAKAMALI
Masarap ang magnegosyo ngunit napakarami nitong kaakibat na pagsubok at problema. Oo, kung minsan o madalas pa nga ay nakagagawa tayo ng maling desisyon, pero hindi ibig sabihin niyon ay magmumukmok tayo at susuko.
May dahilan ang bawat bagay. Nasa sa iyo rin kung titingnan mo ito ng negatibo at hindi positibo.
Gayunpaman, sa bawat pagkakamaling nagagawa natin, lagi’t lagi iyang may magandang naidudulot.
Kaya, tingnan ng positibo ang mga pagkakamali. Maging daan din ang pagkakamaling iyan upang mag-isip ng mas magagandang bagay o aksiyon. Gawin ding halimbawa ang mga pagkakamaling pinagdaanan nang hindi na ito maulit pang muli.
Hindi madali ang magnegosyo. Hindi rin madali ang kumita. Pero kung mangangahas tayo at magpapakatatag, lalago ang negosyong mayroon ka.
Comments are closed.