ISANG pari ang hinirang ni Pope Francis upang maging ganap na obispo at pamunuan ang Diocese of Iligan, na magdadalawang taon nang walang obispo.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines’ (CBCP), si Fr. Jose Rapadas ang itinuturing na pinakabatang obispo sa edad niyang 46-taong gulang lamang.
Ang pagkakatalaga kay Rapadas ay inianunsiyo sa Roma dakong 12:00 ng tanghali o 6:00 ng gabi naman, Huwebes dito sa Filipinas.
Papalitan ni Rapadas sa puwesto si Bishop Elenito Gallido, na pumanaw noong Disyembre 5, 2017. Mula noong pagpanaw ni Gallido ay nagsisilbi si Bishop Severo Caermare ng Dipolog bilang apostolic administrator sa naturang diocese.
Bago mahirang na bishop elect, si Rapadas ay nagsilbing Vicar General sa Diocese of Ipil sa Zamboanga Sibugay.
Ipinanganak siya sa Tondo, Manila noong 1972 at nag-aral sa St. John Vianney Theological Seminary sa Cagayan de Oro City.
Naordinahan si Rapadas bilang pari noong 1999.
Siya ang magiging ikalimang obispo sa Iligan Diocese na mayroong 26 na parokya at halos isang milyong mananampalatayang katoliko. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.