YouTuber Ashley Garcia’s ukay-ukay

SIKAT  na sikat ngayon ang Ukay-ukay, at huwag kayong magtaka, dahil ang secondhand clothing ay Magandang alternatibo para sa fast fashion, at mura pa kumapara sa mga branded. Yun nga lang, dapat ay marunong kang mamili at mag-alter, bagay na hindi lahat ay may kakayahan. Dapat, matiyaga kang mamili. Diyan magaling si Ashley Garcia, ang ating Starpreneur for today.

Mahiyain at kuripot, yan ang description ni YouTuber Ashley Garcia sa kanyang sarili. Kayang kayang sumabay ni Ashley sa fashion and lifestyle na hindi gumagastos ng malaki, kaya nga ang followers niya, mahigit pa sa four hundred thousand. Isa siya sa mga up-and-coming content creators na dapat bantayan kung gusto ninyo ng fresh and relatable content.

Ang Capricorn girl Ashley ay talaga namang business-minded at masipag. Mukha siyang high school student dahil baby face, pero 23 na po siya talaga sa last birthday niya noong January 8. Friendly din siya, funny, pero kayang magseryoso sa buhay. At higit sa lahat, Ashley is into budget-friendly fashion. Doon siya sumikat sa YouTube – sa kanyang penchant sa student budget-friendly fashion choices. Isa sa pinakapopular na tipo ng kanyang content ay ang series of thrift flip videos. Inaayos niya ang kanyang ukay finds para magkaroon ng iconic celebrity looks.

Bago siya naging celebrity, negosyante muna siya. Mayroon siyang ukay-ukay store. Dato, blog lang ang ginagawa niya para i-promote ang kanyang mga paninda. Blog, yung may words lang sa halip na video. Mahiyain kasi si Ashley, lalo na kung hindi niya kakilala kahit pa sa online. Pero dahil kailangan dahil lumalago na ang negosyo, pinilit niya ang sariling maging sociable.

Medyo nahirapan si Ashley noong nagsisimula pa siya bilang content creator dahil wala siyang sariling equipment – mahal kasi. Unti-unti, bumili siya ng gamit para makasunod sa trend hanggang sa makakumpleto siya. Family camera muna ang hiniram niya noong una para sa vlogging, na wala man lang flip screen at wala ring auto-focus feature. Ngayon, kumpleto na ang gamit, kasama na ang laptop para sa editing, at fully functional camera.

Hindi raw mayaman ang pamilya ni Ashley pero maayos naman silang napalaki at napag-aral ng kanilang mga magulang. Pero ang mga personal na luho, kailangan daw nilang paghirapan kaya nagtrabaho muna siya at nag-ipon bago niya narating ang kung anong meron siya ngayon bilang content creator. Dati, nagsa-sideline pa raw siya bilang commercial model para makabili ng mga equipment na gusto niya para sa kanyang YouTube career.

Fortunately, very supportive daw naman sa kanya ang kanyag pamilya. Sumasama pa nga raw ang mga ito sa kanyang vlog. Paborito niyang i-vlog ang cute niece niyang si Mori. May dalawa siyang kuya, sina Angelo at Austin, at isang ate, si Aubrey. At half-sister nga pala niya si Jennica Garcia, dahil pareho sila ng tatay, si former actor Jigo Garcia.

Kamakailan, nag-upload si Ashley ng tinatawag niyang “thrift-flips” items. May maliit siyang sewing machine, at ipinakita niya kung paanong ang isang pangit na item ay naging in sa fashion dahil lang sa konting alterations. Bibilhin niya ng P15, ibebenta niya ng P50. Not bad, di po ba? NLVN