YUGTO NG KALAYAAN AT KAPANGYARIHAN NG KABABAIHAN

NGAYONG Marso, ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Kababaihan. At sa pamamagitan nito, gunitain natin ang kanilang pagtatagumpay sa bawat hamon ng buhay at kung paano nila pinalakas ang kanilang sektor at kung paano sila natulungang maitaguyod ang patas na katayuan sa lipunan.

Naging saksi tayo nitong nakaraang taon sa napakaraming tagumpay ng kababaihan. Kabilang diyan ang pag-qualify ng ating koponang Filipinas sa World Cup para sa larangan ng football. Sa katunayan, ito ay kauna-unahan para sa ating bansa.

Bagama’t nabigo sila sa first round ng torneo, kagila-gilalas na napagtagumpayan pa rin nila ang kompetisyon laban sa New Zealand.

Ang kilalang Pinay actress na gumagawa na ng pangalan ngayon sa Hollywood na si Dolly De Leon ang kauna-unahang Pilipina na naimbitahang maging miyembro ng katangi-tanging Academy of Motion Picture Arts and Sciences – ang organisasyong bumoboto sa mga nominado ng prestihiyosong Oscars o Academy Awards sa Estados Unidos.

Saksi rin tayo sa paggawad ng Order of National Scientist sa pinagpipitaganang paediatrician at dating chancellor ng UP-Manila na si Dr. Carmencita Padilla. Ito ay dahil sa kanyang tagumpay bilang pamosong clinical geneticist.

Malaki ang naging kontribusyon ni Dr. Padilla sa newborn screening sa Pilipinas at sa pagtatatag ng Philippine Genome Center na naging instrumento natin sa ating laban sa pandemya ng COVID-19. Matagal na nating kilala si Dr. Padilla at ilang ulit na rin tayong nagkaroon ng kolaborasyon sa kanya na ang layunin ay mas palakasin pa ang sistemang pangkalusugan ng bansa.

Malaking papel din ang ginampanan ni Dr. Padilla sa lehislasyon ng mahahalagang health measures tulad ng Rare Disease Act of 2016. Aktibo rin siyang nakikilahok ngayon sa mga pagdinig kaugnay ng isinusulong nating amendments sa Government Procurement Reform Act. Kasama rin sya sa mga pagpupulong ng ating technical working group para aniya masiguro na magiging epektibo ang  research and development ng gobyerno sa larangan ng science at technology.

At sino ba naman ang hindi nakaaalam sa natanggap na parangal ng Philippine Pop Princess na si Sarah Geronimo nitong Marso 4 lang? Natanggap lang naman nya ang Global Force Award sa 2024 Billboard Women in Music Awards na ginanap sa Los Angeles, California.

Sa ngayon, 20 taon na po tayong lehislador. At sa loob ng mahabang panahong ‘yan, ilang mahahalagang batas na rin na nagsusulong sa kapakanan at karapatan ng kababaihan ang ating naipanukala at naisabatas. Nariyan ang RA 9710 o ang Magna Carta of Women na kinapapalooban ng iba’t ibang karapatang pantao ng kababaihan.

Ngayon, saksi tayong lahat sa bunga ng batas na ito sapagkat patuloy nang nabubura ang diskriminasyon sa kababaihang pumapasok sa hanay ng militar, pulisya at iba pang uniformed services. Sa katunayan, 41,000 na ang ating policewoman at 2,978 sa mga ito ang nasa matataas na katungkulan sa PNP. Sa Armed Forces naman, mahigit 12,000 ang mga babaeng sundalo at marami rin sa kanila ang ngayo’y mga opisyal na. Nariyan sina Col. Francel Margareth Padilla na AFP spokesperson at Col. Jean Fajardo na PNP spokesperson naman.

Isa rin tayo sa mga awtor ng RA 11210 o ang Expanded Maternity Leave Law na naging tulay upang mabigyan ng mas mahabang maternity leave ang mga babaeng nagsilang. Kung dati ay 60 days lamang, ito ay naging 105 days na dahil sa nasabing batas. Ito ay para mas mabigyan sila ng pagkakataong maalagaan ang kanilang bagong silang na anak at mabigyan ng mas maayos na nutrisyon.

Hindi natatapos sa mga batas na ito ang pagsusulong natin sa kapakanan at kapangyarihan ng kababaihan. Sinsiguro natin na sa mga darating na panahon, mas mapalalakas pa natin ang hanay nina Lola, Nanay, Ate, at Tita.