TUMAPOS si Carlos Yulo sa 12th place sa all-around finals ng men’s artistic gymnastics sa una sa kanyang tatlong medal events sa 2024 Paris Olympics Huwebes ng umaga sa Bercy Arena.
Ang 24-year-old gymnast, isang three-time all-around gold medalist sa Southeast Asian Games, ay nakakolekta ng kabuuang 83.032 points, hindi sapat para sa podium finish.
Nakopo ni Shinnosuke Oka ng Japan ang gold medal makaraang makalikom ng 86.832 habang nagkasya ang Chinese duo nina Boheng Zhang at Ruoteng Xiao sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod.
Impresibo ang opening act ni Yulo sa pommel horse subalit nawalan ng balanse at nahulog sa mat tungo sa pagtatapos ng kanyang routine, at umiskor lamang ng 11.900 — mas mababa ng mahigit isang puntos sa kanyang qualification round performance na 13.006.
Gayunman ay agad na bumawi si Yulo sa rings na nagbigay sa kanya ng 13.933 points habang nakakuha siya ng 14.766 sa kanyang paboritong event, ang vault, upang umangat ang kanyang standing.
Impresibo rin ang Filipino gymnast sa parallel bars, nakakolekta ng 14.500 points upang lumundag sa 12th spot matapos ang ika-4 na rotation. Pagkatapos ay sinundan niya ito ng 13.600 markers sa horizontal bar.
Tinapos niya ang kanyang kampanya sa isa pa niyang paboritong event — ang floor exercise, kung saan nakakuha siya ng 14.333 points.