ISANG resolusyon ang inihain ni Senador Sonny Angara na nagbibigay parangal sa gymnast na si Carlos Edriel Yulo at sa boksingerong si Nesthy Petecio.
“Over the weekend, Carlos and Nesthy gave the entire nation two huge reasons to celebrate with their individual accomplishments in the fields of gymnastics and boxing. They have instilled so much pride in Philippine sports and served as inspiration to our athletes to excel in their respective fields,” ani Angara.
Dahil sa kanyang pagkapanalo sa 41st FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Hans Schleyer Halle sa Stuttgart, Germany, pasok na si Yulo sa 2020 Tokyo Olympics.
Nitong nakaraang buwan naman, matapos mag-kampeon sa isang athletics meet sa Chiara, Italy, pasok na rin sa 2020 Tokyo Olympics ang Pinoy pole vaulter na si EJ Obiena. Naitala ni Obiena ang 5.81 meters sa pole vault, o isang puntong lamang sa Olympic standard nito na 5.80 meters.
“May dalawa na tayong qualifier para sa 2020 Tokyo Olympics. Nakita natin kung gaano nila pinagsikapan ang laban kaya’t sigurado tayo, hihigitan pa nila ang kanilang lakas pagdating ng Olympics sa Japan,” pagmamalaki ni Angara.
Gayundin, nasungkit naman ni Petecio ang gintong medalya matapos nitong talunin ang Russian at hometown bet na si Liudmila Vorontsova sa featherweight division final ng 2019 Aiba Women’s World Boxing Championship sa Ulan-Ude, Russia nitong nakaraang Sabado.
Si Petecio ang ikalawang Filipina na nagwagi ng gintong medalya simula noong 2012 sa nasabing dibisyon.
Liban sa mga parangal na igagawad kina Yulo at Petecio, nakatakda ring makatanggap ng insentibo ang mga ito base sa isinasaad ng RA 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act kung saan, isa si Angara sa mga awtor at sponsor ng naturang batas.
Dahil kuwalipikado na sa Olympics si Yulo matapos ang panalo nito, awtomatikong tatanggap ito ng P500,000 at karagdagang P500,000 pa mula sa Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa pagkakapanalo nito ng kauna-unahang ginto para sa Pilipinas para sa gymnastics.
Halagang P1 milyon naman ang matatanggap ni Petecio, habang ang kapwa boksingero nito na si Eumir Marcial ay tatanggap ng P500,000 sa pagkakapanalo ng silver medal sa men’s middleweight division. VICKY CERVALES
Comments are closed.