(Yulo hataw sa floor exercise, rings) GOLD PA MORE SA PINAS

HANOI – Nagtala si reigning world champion Carlos Yulo ng dalawa pang krusyal na panalo upang pangunahan ang eight-gold medal haul at maungusan ng Pilipinas ang Thailand sa second overall sa 31st Vietnam Southeast Asian Games kahapon dito.

Nagbalik sa Quan Ngua Sports Palace kung saan siya itinanghal na all-around champion noong Biyernes, dinomina ni Yulo, 22, ang floor exercise, ang event kung saan siya naging world champion noong 2019, at sinundan ito ng impresibong panalo sa rings.

Naging minahan ng ginto ang gymnastics makaraang magdagdag si Fil-American Aleah Finnegan ng women’s vault gold sa hinakot ng Team Philippines, sa pagkopo ng kanyang ikalawang ginto matapos na pangunahan ang women’s squad sa team title noong Sabado. Nanalo rin siya ng silver sa women’s all-around.

Sumungkit din ng  gold sina Kim Mangrobang na idinagdag ang women’s duathlon title sa kanyang tagumpay sa triathlon noong Sabado; wushu practitioners Agatha Wong at Arnel Mandal;  Fil-Am William Morrison sa shot put; at ang  dancesport tandem nina Stephanie Sabalo de Leon at Michael Angelo Marquez sa Latin dance.

Ang eight-gold haul, na napantayan ang output ng bansa noong Sabado, ay nagbigay sa Pilipinas ng kabuuang 20, ang kaparehong output ng Thailand sa kasalukuyan, subalit mas marami ang silver medals  ng mga Pinoy 22 sa 20.

Bumabandera pa rin ang host Vietnam na may  58-41-41, sumusunod ang Pilipinas sa 20-22-39; Thailand, 20-20-37;  Indonesia 17-26-16; at Malaysia na may 16-11-29.

“I’m very happy, I didn’t expect to win. But I’m proud of my performance,” sabi ni Yulo, na umiskor ng 15.200 sa floor exercise at  14.400 sa rings.

Babalik siya ngayong Lunes para sumabak sa vault,  kung saan siya ang kasalukuyang world champion; high bar at parallel bar.