NAKAKUHA si Filipino top gymnast Carlos Yulo ng puwesto sa 2024 Paris Olympics sa pamamagitan ng World Artistic Gymnastics Championships sa Antwerp, Belgium.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na sasabak si Yulo sa Olympics. Kinatawan niya ang Pilipinas sa 2020 Tokyo Olympics. Nakuha niya ang kanyang Paris ticket nang mag-qualify siya bilang highest-ranked eligible athlete sa floor exercise noong Linggo.
Tumapos ang 23-year-old gymnast sa ikatlong puwesto sa kumpetisyon sa nalikom na 14.600 points, sa likod nina winner Artem Dolgopyat ng Israel at runner-up Fred Richard ng United States.
Si two-time world champion Yulo ang susunod na best male gymnast sa mundo na nag-qualify sa Olympics dahil nakakauha na ng puwesto sina Dolgopyat at Richard sa Summer Games sa susunod na taon.
Nauna rito ay nabigo ang Pinoy gymnast sa all-around event.
Hindi lumahok si Yulo sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China para pagtuunan ng pansin ang pag-qualify niya sa Paris Olympics.
Sasamahan ni Yulo si pole-vault phenom EJ Obiena sa pagkatawan sa bansa sa Paris Olympics.