YULO PASOK SA ALL-AROUND, FLOOR EXERCISE, VAULT FINALS

UMABANTE si Carlos Yulo sa tatlong medal rounds ng 2024 Paris Olympics gymnastics tournament makaraang mag-qualify sa finals ng all-around event, vault, at floor exercise.

Kinumpirma ng website ng Paris Olympics ang pagpasok ni Yulo sa final round ng tatlong events nitong Linggo.

Si Yulo ay may kabuuang iskor na 83.631 sa qualification round upang tumapos sa ninth at umusad sa finals.

Tanging ang top 24 gymnasts ang makakapasok sa all-around finals.

Sa vault, kung saan nag-qualify din siya sa finals sa Tokyo 2020, si Yulo ay umiskor ng 14.683 upang tumapos na sixth overall.

Nakalikom naman si Yulo sa floor exercise ng 14.766, pangalawa sa likod ni Jake Jarman ng Great Britain na may 14.966.

Ang isang gymnast ay kailangang makapasok sa top eight ng bawat apparatus upang mag-qualify sa finals.

Ang all-around finals ay gaganapin sa July 31, habang ang floor exercise finals ay nakatakda sa August 3 at ang vault finals sa August 4.

Hanggang press time ay lumalaban sina Emma Malabuyo, Aleah Finnegan, at Levi Ruivivar sa women’s gymnastics.