YULO SASABAK SA 3 KUMPETISYON SA 2025

PLANO ni double Olympic gold medalist Carlos Yulo na lumahok sa tatlong kumpetisyon sa susunod na taon.

Sa isang exclusive tour ng isang ice cream company sa Malvar, Batangas noong Huwebes, sinabi ni Yulo na sasabak siya sa Asian Championships, World Championships, at SEA Games.

Si Yulo ay binigyan ng Aice Philippines ng P2-million check at isang taong suplay ng ice cream para sa kanyang double-gold performance sa Paris.

Sina fellow Olympians Nesthy Petecio at Eumir Marcial ay bahagi rin ng tour kasama si Gymnastics Association of the Philippines (GAP) president Cynthia Carrion.

Si Petecio, nagwagi ng bronze medal sa boxing, ay tumanggap ng P300,000, habang si Marcial ay binigyan ng special recognition para sa kanyang achievements.

Bagama’t minabuti ng Olympic champion na magpahinga matapos ang Paris Olympics, ibinunyag niya na magpapatuloy siya sa pagsasanay sa Nobyembre.

“Siguro mga late November mag-start na ako pakonti-konti. Pero mag-start na po talaga ako 2025 na po, January dun mag-start mga training camps,” aniya.

Nagpasalamat si Yulo sa Aice Philippines, isa sa nangungunang ice cream manufacturers sa bansa.

“Thank you so much for recognizing our achievements. I hope that we can help other gymnasts to reach Olympic level. May you continue supporting us,” ani Yulo.