YULO TARGET ANG OLYMPIC GOLD SA ALL-AROUND

PARIS – Sasabak si Carlos Yulo ngayong Miyerkoles sa una sa kanyang tatlong final events sa 2024 Olympics artistic gymnastics – ang all events kung saan tututukan siya sa kanyang performance sa floor exercise at vault.

Batid ni Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion na maliit lang ang tsansa ni Yulo sa all-around competition.

Subalit gagawin ni Yulo ang lahat ng kanyang makakaya sa maaaring maging preview sa inaabangang sandali niya sa floor exercise at vault finals sa Bercy Arena ngayong weekend.

Ang all-around championship, na tinatampukan ng 24 finalists, ay inaasahang magiging showdown ng Chinese at Japanese aces kasama si Fil-British bet Jake Jarman bilang dark horse.

Si Daiki Hashimoto ay maaaring maging ikatlong Japanese na back-to-back champ sa event na ito.

Nakopo ni Sawao Kato ang tagumpay noong 1968 at 1972, pagkatapos ay naduplika ito ni Kohei Uchimura noong 2012 at 2016.

Si Shinnosuke Oka ang isa pang Japanese contender sa all-events na pinangunahan ni Boheng Zhang ng China sa qualifying, kasama si compatriot Ruoteng Xiao na pumang-apat.

Sasabak din sa finals sina Great Britain’s Joe Fraser, Ukraine’s Oleg Verniaiev at Illia Kovtun, Italians YuminAbbadini at Mario Macchiati, Americans Frederick Richard at Paul Juda, Swiss Matteo Giubellini at Florian Langenegger, Hungarian Krisztofer Meszaros, Australian Jesse Moore, the Netherland’s Casimir Schmidt at Frank Rijken, Kazakh Milad Karimi, Brazil’s Diogo Soares, Canada’s Felix Dolci at Rene Cournoyer, at German Nils Dunkel.

Si Zhang ay may qualifying score na 88.597 laban sa 83.631 ni Yulo. Umiskor sina Oka ng 86.865, Hashimoto ng 85.064, Xiao ng 84.898 at Jarman ng 84.897.