YULO TATANGGAP NG P20-M MULA SA PAGCOR

PAGKAKALOOBAN ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), alinsunod sa mandato nito, si Filipino gymnast Carlos Yulo ng P20 million reward sa pagwawagi ng dalawang gold medals sa floor at vault events sa men’s artistic gymnastics sa 2024 Paris Olympics.

“Pagcor is mandated to give an athlete who wins a gold P10 million pesos. Since he has two golds, Mr. Yulo will have P20 million,” wika ni Pagcor chief Al Tengco.

Ginawa ni Tengco ang pahayag sa presentation ng Pagcor ng kita nito sa House appropriations panel nitong Martes.

Ang pagkakaloob ng cash incentives at retirement benefits sa national athletes at coaches ay alinsunod sa itinatakda ng National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Ayon kay Tengco, ang coach at personal trainer ni Yulo ay tatanggap din ng P5 million incentive para sa kada gold na napanalunan.

Nangangahulugan ito na ang coach at trainer ni Yulo ay tatanggap ng tig-P10 million.

Bukod sa P20 million, si Yulo ay tatanggap din ng iba pang insentibo, kabilang ang isang three-bedroom unit sa isa sa premier residential properties sa loob ng McKinley Hill mula sa Megaworld.

Nasa P6 million naman ang regalo ng House of Representatives kay Yulo.