NILINAW ni PhilHealth CEO and President Emmanuel R. Ledesma Jr. na noong Marso 30, 2024 pa epektibo ang enhancement ng Z Benefit Package for Breast Cancer patient kung saan hanggang P1.4 milyon ang sakop mula sa dating P100,000 noong 2012 package. Kuha ni EUNICE CELARIO
KINUMPIRMA ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President and CEO Emmanuel R. Ledesma Jr. na noong Marso 30, 2024 pa aprubado ang karagdagang halaga para sa benepisyo ng mga miyembro na dinapuan ng Breast Cancer.
Sa isinagawang PhilHealth Kapihan nitong Abril 5 sa tanggapan ng state health insurer, sinabi ni Ledesma na mula P100,000 package noong 2012 ay lumaki ng 1,400% ang benefit package ng hanggang P1.4 milyon.
Hindi aniya sa pakete o benepisyo lang kundi ang sakop ng breast cancer patient na hanggang Stage IV mula sa dating hanggang Stage IIIB.
“Effective March 30,2024, PhilHealth Z Benefits for Breast Cancer will now cover up to P1.4 million, a 1,400% increase from the previous package of P100,00,” ayon kay Ledesma.
Ayon kay Ledesma, ang enhancement ng Z Benefit Package for Breast Cancer ay bahagi ng kanilang inisyatibo para mapagaan ang pasanin ng mga cancer patient na batay sa datos ay pumapalo sa 27,000 kada taon kung kaya mas pinalawak na nila ang scope ng nasabing benepisyo.
Habang hindi lamang kababaihan ang makikinabang sa nasabing pakete ng benepisyo kundi sakop din ang kalalakihan na tinutubuan ng kanser sa suso.
“This significance increase in the Z Benefit Package for Breast Cancer shows our commitment to delivering our mandate which is to provide responsive benefits to our kababayan. We are doing our best to provide Filipino families with adequate financial protection against health bills consistent with our anniversary theme Damang-Dama Ko Ang Benepisyo,”anang state health insurer president.
Bukod sa dinagdagan ang benepisyo at pinalawak ang sakop, mayroon ding 21 contracting hospital ang maaaring puntahin ng mga breast cancer patients na nasa iba’t ibang lugar sa bansa kasama na ang East Avenue Medical Center sa Quezon City at UP General Hospital sa Maynila.
Dagdag pa ng PhilHealth, libre na rin ang ultrasound at mammogram sa kanila namang Konsulta package para sa prevention ng sakit.
Maaring mag-apply ng Z Benefit Package ang isang pasyente sa mga contracted hospital at tinitiyak na hindi papahirapan ang mga pasyente sa applikasyon para sa nasabing benepisyo habang wala na rin aniyang gagastusin ang mga pasyente para sa requirment ng pag-a-apply ng nasabing package.
EUNICE CELARIO