HINIMOK ni Senator Cynthia Villar ang mga negosyante sa buong Zamboanga Peninsula na huwag manghinayang na gumastos sa malaking pandaigdigang merkado para sa produktong halal, at gawing gateway to Mindanao ang kanilang rehiyon bilang halal capital ng bansa.
Sinabi ni senador na kailangan nilang maging seryoso sa paggawa ng produktong halal, sabay paghiling sa Department of Trade and Industry (DTI) na tulungan sila sa pagtataguyod ng halal exports.
“The global market for halal food and lifestyle products is expected to reach USD10.5 trillion by 2024. Kaya ang laki-laki po ng market para sa mga produktong halal. Ang lawak ng oportunidad sa merkado ay iba-iba,” pahayag ng senador sa pagbubukas ng Zamboanga Peninsula Exposition (ZAMPEX) 2019 na ginanap sa probinsiya kamakailan.
Sinabi ni Villar na ang pagkakataon sa negosyo ay inihahandog ng iba’t ibang industriya tulad ng pagkain, inumin, pampaganda, personal care, pharmaceutical, healthcare, tourism, ilan sa mga marami pang produkto.
Binigyang-diin pa ng senador na ang sukat ng halal market ay inaasahang lalawak pa ng malaki kasabay ang paglago ng Muslim population, na tinatayang aakyat sa 2.2 billion sa 2030 o halos 26 percent ng populasyon sa mundo.
“And of course the disposable income of Muslim is also on an upward trend. Consumption of halal products among non-Muslim consumers is also on the rise which is expected to fuel global demand,” sabi pa niya, sabay diin na ang global demand ay nanggagaling din sa Asia-Pacific region.
Samantala, magtatapos ngayong araw ang ZAMPEX 2019, sa SM Megamall in Mandaluyong City, at target nito na madoble ang benta noong nagdaang taon na PHP25 million ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) mula sa Zamboanga Peninsula. PNA