NAANTALA man ng mabangis na bagyong Odette, hindi napigilan ang martsa ng Zamboanga Sibugay Anak ng Mindanao Warriors para sa makasaysayang kampeonato sa Mindanao Challenge ng Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup.
Matikas na nakihamok ang Anak Mindanao Warriors sa overtime para maisalba ang mainit na ratsada ng BYB Kapatagan tungo sa 89-80 panalo Biyernes ng gabi at angkinin ang titulo via sweep sa best-of-three series sa harap ng nagbubunying mga tagahanga sa Pagadian City Gymnasium.
Kinansela ng organizers ang Game 2 nitong Huwebes matapos mawalan ng supply ng koryente sa Pagadian City bunga ng pananalasa ng bagyo sa malaking bahagi ng Mindanao at Visayas.
Bukod sa tropeo, tinanggap ng Zamboanga Sibugay ang P500,000 premyo na kaloob ni Chooks-to-Go president Ronald Mascariñas. Naiuwi naman ng Kapatagan ang P100,000. Sa huli, ipinahayag ng Zamboanga Sibugay ang pagbibigay ng P100,000 bilang donasyon sa Buffalos bilang tulong sa mga player na pawang mga taga-Cebu na tinamaan ng bagyo.
“We waited until Game Two to announce it as a gift for the players,” pahayag ni Mascariñas, ipinagmamalaking anak ng karatig na Butuan City. “This is our gift to the players this Christmas.”
Nanguna si Jaybie Mantilla, itinanghal na Finals MVP, na may 18 puntos, 11 rebounds, apat na steals, at tatlong assists sa Zamboanga.
“Since na-cancel ‘yung game last night sinabihan ko ‘yung players ko to stay focused and hungry,” pahayag ni Anak Mindanao Warriors head coach Arnold Oliveros.
Nagtapos ang regulation sa 79-all nang maisalpak ni Jun Daanoy ng Kapatagan ang three-pointer, may 11.6 segundo sa laro.
Sa overtime, nagpalitan ng puntos ang magkabilang panig, bago nakontrol ng Warriors ang laro sa three-pointer ni Mantilkla para sa 87-80 bentahe tungo sa huling 1:34 ng extra period.
Naging mainit ang laban sa second quarter na nagresulta sa tulakan at rambulan na kinasangkutan nina Edrian Lao at Cris Dumapig, may 4:31 sa laro. Napatalsik sa laro sina Gayford Rodriguez, Richmond Bersabal (nakasibilyan) at Michole Sorela, gayundin sina Lao at Dumapig, sa partisipasyon sa gulo.
Nanguna si Jamon sa Warriors na may 25 puntos at apat na steals, habang kumana si Sorela ng 12 puntos.
Hataw si KD Ariar sa Buffalos na may 21 puntos at apat na rebounds. EDWIN ROLLON
Iskor:
Zamboanga Sibugay (89) – Jamon 25, Mantilla 18, Sorela 12, Octobre 10, Imperial 9, Foronda 5, Acain 4, Caunan 2, Pasia 2, Lacastesantos 0, Dumapig 2, Bangcoyan 0.
Kapatagan (80) – Ariar 21, Puerto 20, Bonganciso 12, Kwong 7, Daanoy 5, Igot 4, Sollano 4, Delfinado 4, Manatad 3, Lao 0, Rodriguez 0.
QS: 19-24, 38-46, 64-67, 79-79, 89-80.