ZAMPEX 2019 DUMAYO SA MAYNILA

ZAMPEX 2019

MAS naging matapang at malakas ang Zamboanga Peninsula Exposition (ZAMPEX) 2019 sa kanilang pagdayo sa Metro Manila mula Agosto 1-5, 2019 sa Megatrade Hall 2, SM Megamall, Mandaluyong City.

Mainit ang pagsalubong ni DTI IX Regional Director Sitti Ami­na M. Jain sa mga bisita at exhibitors noong magbukas ang  ZamPex 2019 kasabay ang mataas na pag-asa na ang susunod na taong ZAMPEX ay magaganap muli sa Metro Manila dahil layon nito na makakuha ng mas malaking merkado.

Ayon sa report, habang ang mga naririto sa Luzon ay nakakuha ng hindi masyadong magandang pananaw tungkol sa Zamboanga Peninsula, ang pagdadala ng ZAMPEX sa Maynila ay nagbibigay ngayon ng pagkakataon para roon sa mga hindi nakapunta sa ZamPen pero gustong makakita ng maganda mula sa rehiyon, mula sa kanilang produkto, ma­ging pagkain man ito o hindi, at tourist destinations.

Pinangunahan ni Senator Cynthia Villar ang seremonya at hinimok din ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na lalong magpursigi dahil ang lahat ng tagumpay ay nagsisimula sa ma­liliit na hakbangin.

Sinamahan si Senator Villar ni DTI Regio­nal Operations Group Assistant Secretary Blesila A. Lantayona, na ikinatawan si DTI Secretary Ramon Lopez, Department of Tourism (DOT) Assistant Secretary Myra Paz Valderossa Abubakar at si DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat. Naroon din ang mga opisyal ng participating ZamPen provincial city governments na nagtayo rin ng kani-kanilang pavilion na nagpapakita ng pinakamagagaling na produkto mula sa kanilang lugar. Bawat isa sa mga LGU ay nakatakda na mag-host gabi-gabi para sa kanilang cultural presentation.

Ang ZAMPEX 2019 ay kaagapay na inorganisa ng Department of Agriculture (DA) at DOT. Ang pagsasanib-puwersang ito ay nagbigay sa ZAMPEX 2019 ng 12-in-1 event dahil sa pagdadala nito ng trade fair, travel exchange, skills demo, investment forum, digital economy session, provin-cial pavilions, mini-agri trade fair, daily LGU cultural presentations, weaver’s booth, OTOP, at Halal setting.

Lahat ng ito ay na­ging posible dahil sa exhibitors mula sa pro­binsiya ng Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay at ang siyudad ng  Isabela at Zamboanga. Lahat sila ay DOT accredited travel and tour operators, DA assisted farmers at fisher folks at farmers at DTI assisted MSMEs. Ang mga MSME ay tinulungan ng DTI-IX sa pamamagitan ng kanilang iba’t ibang programa: Kapatid Mentor ME (Micro Enterprise), OTOP (One Town, One Product) Next Gen, Shared Service Facilities (SSF), Pondo sa Pagbabago at Pag-aasenso (P3) ang ilan sa mga ito.

Tatakbo ang expo ng limang araw at layon nito na madoble ang kita noong 2018 na umabot sa P25-M. Layon din nito na makakuha ng P1M  sales mula sa travel exchange, P20-M halaga ng investments at 20 bagong merkado para sa MSMEs.

Comments are closed.