Welcome na welcome sa pamilya atayde si Zanjoe Marudo, pahayag ni Sylvia Sanchez sa lahat. In fact, nagpapasalamat nga raw siya sa Diyos dahil napakagandang regalo kay Ria Atayde na tinatawag niyang Potpot si Zanjoe dahil napakamarespeto raw nito at responsible.
Kung sabagay, lagi namang welcome sa kanya at sa kanyang asawa ang sinumang nagugustuhan ng kanilang mga anak. May tiwala raw sila sa mga ito na napalaki nila ng maayos kaya alam nilang pumili ng tamang taong makakasama habambuhay.
Matapos ikasal sina Ria at Zanjoe sa isang civil wedding ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa Quezon City Hall noong March 23, 2024, tapos na ang mga espekulasyon kung totohanan nga ba sila o baka magbi-break din tulad ng mga nauna. Sila na talaga, at sana nga ay forever na ito.
Ayon naman kay Sylvia, unang araw pa lamang niyang nakitang magkasama ang dalawa ay alam na niyang sila ang couple made in heaven. Kahit daw noong bago pa lamang sina Ria at Zanjoe, nakita na niya kung gaano kabuting asawa ito para sa kanyang anak. “Mother instinct” daw siguro ang tawag doon. Kahit daw ang kanyang asawa na si Art Atayde, hindi lamang son-in-law ang turing kay Zanjoe kundi pangatlong anak na lalaki. Sina Arjo Atayde at Xavi Atayde ang dalawang anak na lalaki nina Sylvia at Art.