IPINAGMALAKI ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na nakapagtala ang PNP ng “zero casualties” sa pagpapatupad ng kampanya kontra droga mula Setyembre 1 hanggang 17.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Azurin na sa loob ng naturang panahon ay 1,952 drug offenders at high-value suspects ang naaresto.
Ito ay sa isinagawang 1,790 operasyon kontra sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakasabat ng 67.8 kilo ng shabu, 194 kilo ng marijuana products, at 701,000 tanim ng marijuana na may kabuuang halagang P625.1 milyon.
Una nang sinabi ni Azurin na hindi kailangan palaging may namamatay sa mga operasyon ng PNP.
Muling pinanindigan ng PNP Chief na mananaig ang “rule of law” sa mga operasyon ng PNP, at gagawin nila ang lahat para mahuli , makasuhan at maparusahan ang mga lumabag sa batas.
EUNICE CELARIO