PINAUWI na ng Ninoy Aquino Stadium (NAS), isa sa mga pasilidad ng Philippine Sports Commission (PSC) na ginawang “We Heal as One Centers” para sa COVID-19 patients, ang lahat ng 123 survivors nito.
“Malaking pasalamat po natin sa Panginoon dahil wala pong namatay sa ating mga pasyente. Napakagaling po ng ating AFP medical doctors dahil ginawa po nila ang mga nararapat talaga,” wika ni PSC Security Supervisor Angel Dayag.
Makaraang pauwiin ang 123 gumaling na mga pasyente, agad na nagsagawa ang NAS ng disinfection at repairs noong Lunes na tatagal hanggang Biyernes.
May iba pang PSC facilities ang operational at nagsisilbi pa rin sa mga suspected hanggang mild-positive at positive COVID-19 patients.
Ayon sa Armed Forces Health Service Command, ang Rizal Memorial Coliseum (RMC) sa Manila ay mayroon na lamang 67 pasyente na nalalabi.
Samantala, ang Multi-Purpose Arena (MPA) sa loob ng PhilSports Complex sa Pasig City ay may 34 pasyente pang nagpapagaling sa complex hanggang noong June 9, ayon kay Philippine National Police Health Service head Lt. Col. Jay Carpio.
“Kami pong PSC frontliners, umaasa po kami na gagaling po ang lahat ng mga pasyente natin dahil ginagawa naman po lahat ng AFP medical doctors ang lahat. Ang hiling lang po namin ay sana walang mamatay sa ating mga pasyente, dasal na lang talaga ang kailangan natin.” ani Dayag.
Comments are closed.