CAMP CRAME – RECORD breaking para sa Philippine National Police (PNP) ang bisperas at pagdiriwang mismo sa New Years’ eve dahil wala ni isa ang namatay na may kinalaman sa selebrasyon.
Ayon kay PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac, mula alas-6 ng umaga noong Disyembre 31, 2019 at hanggang kaninang alas-6 ng umaga kahapon, Enero 1, ay wala silang naitalang nasawi.
Tanging isang sibilyan sa Region 3 lamang ang naaresto nila dahil sa indiscriminate firing subalit wala namang tinamaan sa putok ng kanyang baril
Dagdag pa ni Banac, wala rin anilang naitalang anumang insidente.
Kaya para kay Banac ang pagpasok ng taong 2020 ang pinakaligtas at payapang pagsalubong ng taon sa kasaysayan ng Filipinas simula nang mauso ang mga paputok at paggamit ng baril tuwing sasalubong sa Bagong Taon.
Samantala, nananatili pa ang full alert sa Luzon at Visayas hanggang Enero 7. Una nang itinaas ang alerto ng pulisya simula noong alas-6 ng umaga ng Disyembre 15 dahil marami ang bumabiyahe papasok at palabas ng Maynila.
Kaya naman asahan pa rin ang mataas na police visibility sa publiko gayundin sa mga kalsada para sa mga magbibiyahe pabalik ng Maynila mula sa iba’t ibang probinsya. REA SARMIENTO
Comments are closed.