NAKAPAGTALA ang lokal na pamahalaan ng Pasay ng zero deaths at zero COVID case nitong Linggo,Disyembre 5 habang 13 aktibong kaso na lamang ang natitirang bilang ng virus sa lungsod.
Sa report na isinumite ng City Health Office (CHO) nitong Linggo, sa patuloy na pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay nakapagtala rin ang lungsod ng mataas na recovery rate na nasa 97.46 porsiyentong kabilang ang 4 na bagong pasyenteng nakarecover na katumbas ng 21,492 indibidwal sa kabuuang 22,052 kumpirmadong kaso ng virus.
Sa loob ng nakaraang dalawang araw ay walang bagong kaso ang naitala ng CHO habang simula noong Disyembre 1 hanggang sa kasalukuyan ay walang naitatalang namatay sa virus at nananatili na lamang ito sa 547.
Sa kabuuang 201 barangay sa lungsod ay 9 na barangay na lamang ang may mga naitalang aktibong kaso ng COVID-19 na katumbas ng 4.47 porsiyento.
Ang barangay na may pinakamaraming bilang ng aktibong kaso ng virus ay ang Barangay 183 na may 4 na kaso at 2 sa Barangay 201 habang ang natitirang 7 barangay na kinabibilangan ng mga Barangay 2, 14, 107, 113, 185, 190 at 194 ay mayroong tig-isang kaso ng COVID-19.
Ang pagbaba ng kaso ng virus sa lungsod ay dahil na rin sa dedikasyon ng mga doctor, nurses at health workers sa pag-aalaga ng mga pasyente na nagpositibo sa COVID-19.
Kaya’t panawagan sa mga residente na ipagpatuloy ang pagsunod sa ipinatutupad na basic health protocols para sa proteksiyon laban sa virus.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na makakamit ng lungsod ang single-digit na bilang ng kaso ng COVID-19 bago dumating ang araw ng Kapaskuhan. MARIVIC FERNANDEZ