ZERO INTEREST LOAN SA FARMERS

LOAN-FARMERS.jpg

MAGKAKALOOB ang Department of Agriculture (DA) ng emergency financial assistance sa mga magsasaka na naapektuhan ng bagyong Ineng sa Ilocos Norte.

Ayon kay DA Secretary William Dar, maaaring makahiram ng P25,000 ang mga magsasaka na walang tubo at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.

Ani Dar, manggagaling sa Survival and Recovery (SURE) Assistance Program ng DA ang pondo para rito na layu­ning mabigyan ng agarang tulong ang mga magsasaka at mapanatili ang kanilang produksiyon.

Aniya, ang DA-Agriculture Credit Policy Council ang mamamahagi ng pondo sa pamamagitan ng Nueva Segovia Cooperative.

Nauna rito ay nagdeklara ang pamahalaang lungsod ng Laoag ng ‘state of calamity’ dahil sa epekto ng bagyong Ineng sa Ilocos Norte kung saan 80 porsiyento ng lungsod ay binaha, kabilang ang ekta-ektaryang palayan nang umapaw ang mga ilog sa lalawigan.

P1-B PINSALA NI ‘INENG’

Pumalo na sa mahigit P1-bilyon ang inisyal na pinsala ni ‘Ineng’ sa Ilocos Norte.

Sa pinakahuling datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umakyat sa mahigit P998-milyon ang halaga ng mga napinsala sa imprastraktura habang nasa halos P46-milyon sa agrikultura.

Bukod dito, nadagdagan din ang bilang ng mga barangay na lubhang naapektuhan na umaabot na sa 170, habang nasa 9,873 na pamilya o 41,618  indibidwal ang apektado.

Nagkaroon ng pagpupulong sina Dar, Social Welfare Sec. Rolando Bautista, Governor Matthew Marcos-Manotoc at Melchito Castro, pinuno ng Office of Civil Defense – Region 1, sa provincial capital kaugnay sa matinding pinsala ng bagyong Ineng sa lalawigan.

Patuloy naman ang pagbibigay ng tulong ng DSWD sa mga kababayan na lubhang naapektuhan ng bagyo.

Nakatakda ring magbigay ng P10,000 sa bawat namatayang pamilya na manggaga­ling sa Office of Civil Defense (OCD), at ka­ragdagang P3,000 mula sa lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte.    BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.