ZERO TAX SA IMPORTED MEAT, FISH

SGMA

KASABAY ng ulat ng Philippine Statistics Authority na sumampa na sa 5.7% ang inflation noong Hulyo, nakaisip ng paraan si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo upang ibsan ang epekto  nito at  mapigilan ang galaw ng pagpapalit ng presyo ng mga bilihin sa susunod na panahon.

Ayon sa Pampanga congresswoman, kaniyang ipapanukala kay Pangulong Rodrigo Duterte  na bawasan o kaya naman huwag nang buwisan o ma­ging zero tarrifs ang mga inaangkat na isda at karne.

Kaniya ring itinalaga si Albay Rep. Joey Salceda bilang kaniyang special focal person for counter-inflation.

Kasunod nito ay kanyang inatasan si Salceda na pag-aralan pa ang ilang posibleng maging hakbang upang mapigilan ang pag-angat ng inflation.

Ang July 2018 inflation ay pinakamabilis sa loob ng halos limang taon.

Ang pinakabagong datos ay halos doble ng 2.4 porsiyento na naitala noong Hulyo 2017 at bumilis pa mula sa 5.2 porsiyento noong Hunyo 2018.

Ito rin ang ikapitong sunod na buwan na bumilis ang inflation, simula nang maitala ang 4.0 porsiyento noong Enero.

Samantala, magugunitang maging si Bohol Rep. Arthur Yap ay inirekomenda na bawasan ng limang porsiyento ang taripa sa imported fish and meat.

Giit ni Yap, isantabi muna ang paghahangad ng malaking makokolektang buwis sa nasabing food product at sa halip ay makatutulong ito sa mga konsyumer upang maging matatag ang kalakalan.