MAYNILA – IBABAWAL na rin ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga vendor o magtitinda ng anumang pagkain at bulaklak sa loob ng Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery ngayong darating na Undas 2019.
Ito ang inihayag ni MNC Director Roselle Castañeda bilang bahagi na rin ng puspusang clearing operation ng kanilang hanay batay sa direktiba ng pamahalaang lungsod.
Mahigpit aniya itong ipatutupad upang maging maluwag ang daraanan ng mga bibisita sa sementeryo dahil inaasahan na aniya ang pagdagsa ng tao sa Undas.
Sa ngayon aniya ay patuloy pa rin ang paglilinis sa loob ng sementeryo kung saan dinemolis ang mga bahay na nasa loob ng nasabing libingan.
Paliwanag ni Castañeda, masikip na ang sementeryo at kinukulang na rin ng malilibingan kaya inaalis na ang mga residenteng umuukopa rito.
Paalala ng opisyal sa publiko na bibisita sa kanilang mahal na yumao na magdala na lamang ng pagkain at maraming tubig sa Undas dahil hindi na papayagan pang magbenta sa loob ang mga vendor hindi tulad sa nagdaang mga panahon.
Maging ang mga nagtitinda ng bulaklak at kandila ay sa labas ng sementeryo na lamang papayagang magbenta.
Paalala rin ni Castañeda na hanggang Oktubre 29 na lamang maaring maglinis sa mga puntod upang maiwasang makapasok sa loob ng sementeryo ang mga bagay na ipinagbabawal tulad ng matatalas, sound system, playing cards, alak at iba pa.
Wala na ring iskedyul ng libing mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3. Magbabalik ito sa Nobyembre 4.
PAUL ROLDAN