HINDI na sasailalim sa ikalawang coronavirus disease 2019 (COVID-19) test si Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri.
Ito ay dahil naniniwala si Zubiri na accurate o tama ang unang pagsusuri sa kanya dahil mayroon umano siyang bahagyang lagnat noong Miyerkoles ng nakaraang linggo bago naging asymptomatic o walang sintomas nitong Lunes.
Aniya, posible umanong nadapuan siya ng nasabing virus kaya itutuloy pa rin niya ang isolation ng walong araw pa para makasunod sa protocol.
Matatandaan na noong Lunes ay inanunsiyo ni Zubiri na nagpositibo siya sa COVID-19 test bagaman wala naman siyang sintomas.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang resulta ni Zubiri ay posibleng “false positive” at kung may sapat na test kits sa bansa ay inirerekomenda niya ang pag-ulit sa test ng senador.
Para naman sa senador, hindi na niya kailangan pa ang pag-ulit ng test, sa halip na gamitin sa kanya ang mga test kits ay gamitin na lamang umano ito sa mga mas nangangailangan nito tulad ng mga frontline medical personnel at mga pasyenteng asymptomatic lalo na sa mga matatanda. VICKY CERVALES
Comments are closed.