ZUBIRI SUSUNOD NA SENATE PRESIDENT

TULUYAN nang isinuko ni Senadora Cynthia Villar kay reelected Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang posisyon bilang bagong Pangulo ng Senado.

Ito ay matapos na ihayag ni Villar sa isang ambush interview na nagbibigay-daan na siya kay Zubiri sa usapin ng Senate President.

Agad naman nagpasalamat si Zubiri sa pagbibigay daan sa kanya ni Villar upang makamit nila ang tinatawag na ‘super majority.’

Tiniyak naman ni Zubiri na mananatiling isang independent ang Senado sa kabila ng ilan sa mga miyembro ng super majority ay kaalyado ni Marcos.

Dahil dito, tanging hihintayin na lamang kung sino ang magiging kalaban ni Zubiri para maihalal na Senate Minority Leader.

Bagaman hindi pa pinal ang komposisyon ng committee chairmanship, inamin ni Villar na mananatili sa kanya ang Committee on Agrarian Reform at Agriculture and Food.

Kaugnay nito, napag-alaman na mauupo bilang Senate President Pro-Tempore si Senator-elect Loren Legarda samantalang si re-elected Senator Joel Villanueva naman ay uupong Senate Majority Leader.

Mananatili namang hawak ni Senador Sonny Angara ang Senate Committee on Finance gayundin kay Senadora Nancy Binay ang committee on Tourism at makukuha rin nito ang Senate Committee on Accounts.

Patuloy pa rin na inaayos ang committee chairmanship na kung saan ay pinag-uusap kung sino-sino ang mamumuno rito.

Gayunpaman, sinasabing si Senator-elect Alan Peter Cayetano ang mamumuno bilang Senate Minority Floor Leader na kung saan ay hinahangad din ito ni dating Senate President Koko Pimentel.

Makukuha naman ni Senador Francis Tolentino ang Blue Ribbon committee, mananatili naman kay Senadora Grace Poe ang Committee on Public Services, hahawakan naman ni Senador Win Gatchalian ang Senate Ways and Means Committee at Basic Education.
Kay Senador Francis “Chiz” Escudero naman ang Committee on Justice and Human Rights, si Marcos naman ang mamumuno sa Committee on Foreign Relations, Senador Ramon Revilla ang Public Works, samantalang si Senador JV Ejercito ang hahawak ng Local Government at Higher Education.

Pamumunuan naman ni Senator-elect Robin Padilla ang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes samantalang si Mon Tulfo naman ang Committee on Energy.

Binigyang-linaw naman ni Zubiri na hindi kailangan ng isang abogado sa hahawakang committee ni Padilla.

Tinukoy pa ni Zubiri na hahatiin nila ang Committee on Labor, Employment and Human Resources Development matapos na makalikha ng Department of Migrant Workers. VICKY CERVALES