MAGIGING maganda ang taong 2019 para sa mga naghahanap ng trabaho sa bansa kung saan inaasahang lilikha ng mula 900,000 hang- gang 1.1 million local jobs ang ‘Build, Build, Build’ program ng administrasyong Duterte at ang mid-term elections, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE)
Sa pahayag ni DOLE Bureau of Local Employment Director Nikki Tutay, mas mataas ito sa 826,000 trabaho na nalikha noong 2018.
“Dahil po next year ay election year at marami pa pong proyekto under the ‘Build Build Build’ program, inaasahan po natin na mas malalampasan po ito, hopefully ‘yung target po under the Philippine Development Plan na 1.1 million,’’ sabi ni Tutay.
Aniya, magkakaroon ng mas malaking demand sa manufacturing, wholesale and retail, services, transportation, at logistics sectors.
Paliwanag pa niya, kapag eleksiyon naman ay nariyan ang pagpi-print ng t-shirts at campaign materials ng mga kandidato, gayundin ang pagpapaskil ng kanilang election paraphernalia.
Idinagdag pa ni Tutay na magkakaroon ng maraming job openings sa public administration at development sector dahil kailangan ng pamahalaan na kumuha ng mga karagdagang guro, pulis at sundalo.
Noong 2016 presidential elections ay nasa 2.1 milyong trabaho, aniya, ang nalikha.
Comments are closed.