1.8M GOV’T WORKERS TUMANGGAP NG INCENTIVE

AABOT sa 1.8 milyong kawani ng pamahalaan ang tumanggap ng service recognition incentive na sinimulang ipamahagi kahapon.

Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang insentibo ay bahagi ng pagkilala sa kasipagan,  at dedikasyon ng mga empleyado ng gobyerno.

Sa ilalim ng Administrative Order Number 12 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., tatanggap ng One-Time SRI sa uniform rate na hindi lalagpas sa P20,000 ang bawat empleyado na may hawak na regular, contractual o casual positions sa sangay ng Ehekutibo, Lehislatibo at Hudikatura,.

“This is in recognition of the tireless dedication of our public servants.  This is one way of making them feel that the government acknowledges their good workd and efficient performance.  On behalf of DBM, I commend our President Ferdinand Marcos Jr.  approving Administrative Order Number 12,” ayon kay Pangandaman.

Para sa Local Government Units (LGUs)  tutukuyin ng bawat sanggunian ang ipagkakaloob na SRI depende sa kakayahang pananalapi at limitasyon ng LGU budgets.

Para mag-kwalipika na tumanggap ng SRI, itinakda ng AO na ang civilian personnel ay nasa serbisyo hanggang noong Nobyembre 30 ng taong ito, at nagsilbi ng apat na buwang satisfactory service, kabilang ang ipinagsilbi sa ilalim ng alternative work arrangements na itinakda ng Civil Service Commission, gayundin ang mga  empleyadong hindi pa nakatanggap ng anomang year-end benefit sa ilalim ng fiscal year 2023 nang higit sa benepisyong inawtorisahan ng Republic Act 6686.

Hindi naman sakop ng SRI distributions ang mga consultant at eksperto na nagsilbi sa limitadong panahon, trabahador na nasa ilalim ng job contracts o pakyaw, at mga katulad nito.

Magugunitang unang inaprubahan ni Pangulong Marcos ang AO 13 na nagtatakda  ng one-time gratuity pay na hindi lalampas sa P5,000 para sa job order at trabahador sa ilalim ng contract of service.

EVELYN QUIROZ