TAHASANG sinabi ni Senador Win Gatchalian na malaki ang maitutulong ng nilagdaang batas na magpapataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan sa gitna ng matinding pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
Pinirmahan noong nakaraang Disyembre 10, 2021 ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No 11635. Sa ilalim ng bagong batas, muling inamyendahan ang Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code of 1997 upang pababain ang preferential tax rate sa mga pribadong paaralan o proprietary educational institutions. Ang dating sampung porsyentong buwis ay magiging isang porsyento na lamang sa loob ng tatlong taon.
Bagama’t nakasaad sa batas na nananatiling sampung porsyento ang buwis sa taxable income ng mga pribadong paaralan, ang isang porsyentong buwis ay nakatakdang ipataw mula Hulyo 1, 2020 hanggang Hunyo 30, 2023.
Sa ilalim ng naturang batas, ang proprietary educational institutions ay mga pribadong paaralan na pinatatakbo ng mga pribadong indibidwal o grupo. Kinakailangang may permit to operate ang naturang mga paaralan mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon kay Gatchalian, nililinaw at binibigyang diin ng bagong batas ang intensyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) na magpataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan.
Matatandaang inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation No. 5 kung saan nakasaad na ang mga paaralang proprietary at non-profit lamang ang maaaring mapatawan ng mas mababang buwis. Para sa mga paaralang hindi pasok sa ganitong depinisyon, kinakailangan nilang magbayad ng dalawampu’t limang porsyentong buwis o katumbas ng isang daan at limampung porsyentong pagtaas.
Ang mas mabigat na buwis ay kinatatakutang magresulta sa pagsasara ng mas maraming paaralan at pagkawala ng mas maraming trabaho. Maaari ring mapagkaitan ang mas maraming mag-aaral ng dekalidad na edukasyon dahil dito. Lumalabas sa datos ng DepEd na dahil sa pandemya, bumaba ng halos isang milyon (929,000) ang enrollment sa mga pribadong paaralan, mahigit anim na raang libong (634,000) mag-aaral ang lumipat sa mga pampublikong paaralan, at mahigit apat na raan (452) ang nagsuspinde ng operasyon o nagsara.
“Dahil sa matinding pinsalang dulot ng pandemya sa ating mga pribadong paaralan, higit nilang kinakailangan ang lahat ng uri ng suporta mula sa ating pamahalaan. Kaya naman napapanahon ang batas na magbabawas sa kanilang buwis hanggang sa taong 2023 upang tulungan silang makabangon at maipagpatuloy ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na isa rin sa mga co-author at co-sponsor ng batas.
Pinasalamatan din ni Gatchalian si Senador Sonny Angara, ang pangunahing may akda ng batas at si Senador Pia Cayetano na sponsor din ng naturang batas.VICKY CERVALES