ISA ang naitalang nasawi habang may dalawa pa ang inulat na nawawala sanhi ng mga pag ulan dulot ng “tail end of the frontal system” na lumikha ng malawakang pagbaha at landslides Bicol region simula ng pagpasok ng bagong taon.
Sa ulat na ibinahagi ni Office of the Civil Defense Region 5 (OCD-5) Spokesperson Gremil Naz, isang tatlong taong gulang na batang lalaki ang nalunod nang tumaob ang kanilang sinasakyang bangka sa Camarines Sur sanhi ng masamang panahon.
“Sad to say mayroon pong isang naitalang patay sa Canaman, Camarines Sur. Three-year old male nalunod matapos mag-capsize boat na sinasakyan niya. Mayroon pong dalawang missing from Garchitorena, Camarines Sur. Same din po, nag-capsize ‘yung boat nung 31 ng December 2020,” ani Naz.
Nabatid na simula Disyembre 31 ay walang tigil ang pag-ulan na nararanasan sa Bicol Region sanhi ng “tail end of the frontal system.”
“Hindi naman malakas na ulan pero continuous kaya nakapag-trigger po ng landslide, soil erosion at flooding sa iba’t ibang parts ng Kabikulan,” paliwanag pa ng taga pagsalita.
Dahilan upang salubungin ng baha at pagguho ng lupa ang ilang bayan sa probinsiya ng Camarines Sur ang bagong taon.
Sa datos ng OCD-Bicol, nakapagtala ng 55 na mga flooding incidents sa 20 bayan at dalawang lungsod sa Bicol Region at naitala ang mga ito sa lalawigan ng Sorsogon, Albay at Camarines Sur.
Bukod pa ito sa 18 landslides na naitala sa 10 municipalities at isang siyudad sa rehiyon.
“Mayroong reported sa amin na not passable na daanan dahil sa landslide. Ito po ‘yung sa Matnog na part, isang provincial road, and ‘yung ibang malalaking landslide sa Sorsogon ay na-clear na rin po. Mayroon na rin one lane passable,” ani Naz.
Kabilang sa mga binahang lugar sa Camarines Sur ang Gimagtocon spillway sa bayan ng Lagonoy at unpassable sa ngayon; Brgy. Penitan sa bayan ng Siruma; Ayagan spillway at Gatbo-Del Rosario spillway sa bayan ng Ocampo na unpassable rin sa ngayon, habang dalawa naman sa bayan ng Buhi kung saan lubog sa baha ang ilang parte ng barangay San Buenaventura at San Pascual.
Aabot din sa 11 ang landslide incidents na naitala sa limang bayan at isang lungsod sa mga lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur.
Dalawa dito ay sa bayan ng Libmanan partikular na sa Brgy. Malinao at sa Barangay Genorangan sa bayan naman ng Lagonoy.
Sa ngayon aabot sa humigit kumulang 450 pamilya ang kinailangan ilikas at magbagong taon sa mga evacuation center sa Kabikulan.
Samantala sa report ng Philippine Coast Guard, nagsagawa rin ng search rescue operations ang kanilang mga tauhan sa Victorias City, Negros Occidental sa unang araw ng Bagong taong 2021.
Sanib-pwersa ang PCG District Southern Visayas at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) upang matiyak ang kaligtasan ng 395 pamilyang nakatira sa siyam na barangay malapit sa Malijao River.
Sanhi umano ito ng pag-apaw ng Malijao River bunsod ng naranasang mabigat na buhos ng ulan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.