CAVITE – BULAGTA ang 42-anyos na notoryus na drug courier na nakipagbarilan sa mga awtoridad habang 3 naman ang naaresto makaraang makumpiskahan ng P197.2K halaga ng shabu sa isinagawang magkakasunod na drug bust operation sa bahagi ng Barangay Datu Esmael, Brgy. 48A sa Cavite City at Brgy. San Isidro Labrador 1 sa Dasmariñas City, noong Huwebes at Biyernes..
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Jonel Villanueva y Malojnso ng Barangay 48A sa Cavite City habang isinailalim naman sa tactical interrogation ang iba pang suspek na sina Leizel “Lheling” Mitomara y Cabaguit, 38; Randy “Anding” Fajardo y Borromeo, 34; at si Marites Penaflor y Eberio, 40, ng Brgy. Sto. Nino 1, Dasmariñas City.
Base sa police report na naisumite sa Camp Gen. Pantaleon Garcia, lumilitaw na nakatunog si Villanueva sa inilatag na anti-drug operation ng pulisya at PDEA 4A sa bahagi ng Brgy. 48A, Cavite City kung saan ito pumalag at nakipagbarilan sa awtoridad kaya napatay.
Narekober sa encounter site ang isang cal. 38 revolver na kargado ng mga bala at ilang basyo ng cal. 9mm pistol habang nasamsam naman sa tatlong suspek na drug courier ang 29 gramo na shabu na nagkakahalaga ng P197,200, mga drug parafernalia at marked money na ginamit sa anti-drug operation.
Isinailalim naman sa chemical analysis sa Cavite Provincial Crime Laboratory sa Imus City ang nasamsam na shabu habang pina-drug test at medical examination ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. MHAR BASCO