KUMUSTA, ka-negosyo? Kasalukuyang nasa Baguio kami ng asawa ko habang isinusulat ko itong pitak na ito. Gabi. Malamig ang panahon. Malakas ang net sa lobby ng hotel na tinutuluyan namin kaya dito na kami muna umupo at nagsingit ng ilang trabaho. ‘Yan ang buhay ng isang entrepreneur. Nasa bakasyon man o nasa bahay, basta kailangan, magtatrabaho. Pero siyempre, sariling oras mo na at ikaw ang boss.
Kung tutuusin, nagretiro na ako sa mundo ng corporate. Si Sweetie naman ay full-time housewife bago sumabak muli sa trabaho sa aming negosyo noong nakaraang taon. Empty-nesters na rin kami (wala nang mga anak sa bahay) kaya kaysa walang gagawin at tila tatanda nang mas mabilis, nagkusa na kaming magnegosyo. Ang aming pinagkakakitaan ay sa pamamagitan ng internet. Matagal ko na itong negosyo ngunit noong isang taon ko lang isinama si sweetie ko.
Sa pitak na ito, ibabahagi ko ang aking mga natutunan bilang dating empleyado na naging entrepreneur. Sana ay may mapulot kayo.
Tara na!
#1 Huwag matakot sumubok
Sabi nga ng mga matagumpay na entrepreneur, kung ‘di ka susubok, talo ka na agad. ‘Yan ang aking naging adhikain nang ako ay sumabak nang magnegosyo. Ilang beses na rin kasi akong nakasubok magnegosyo mula sa mga sideline, consulting, at naging full-time negosyante na nga.
Malaking bagay ang lakas ng loob at pananampalataya sa sarili at sa Diyos kung sasabak ka sa pagnenegosyo. ‘Yan ang una mong sandigan.
Ang susi sa pagsubok ng mga bagong bagay sa sarili man o sa negosyo ay gawin ito sa maliit na sukat muna. Hindi mo kailangang ganap na baguhin ang iyong nais gawin o kasalukuyang negosyo (bagama’t maaaring ganoon ang pakiramdam noong panahon ng pandemya). Ang kailangan mong gawin ay pag-isipan kung anong mga bagay ang iyong ginagawa ngayon na maaari mong palawakin, kung paano mo magagawa ang mga bagay na iyon nang mas mahusay, at kung anong mga bagong bagay ang maaari mong subukan sa maliit at mapamamahalaang sukat lamang.
Ang mahalagang natutunan ko at tip na rin na matatawag ay dahil bumabangon pa lang ang lahat ng negosyo mula sa pandemya, mas malawak ang oportunidad. Mas kakaunti ang isusugal dahil mas kakaunti ang kakumpitensiya, kung meron mang matatawag na ganoon.
#2 Mahalaga ang mga koneksiyon
Talagang kailangan mong gumawa ng mga koneksiyon kung magnenegosyo ka. Walang tao ang makapagsasabi na nagtagumpay siya nang wala man lang ni isang koneksiyong nagamit. Ang koneksiyon na tinutukoy ko ay mula kapamilya, kaibigan, katrabaho, at yaong mga ipinakilala lamang sa iyo.
Huwag mahiya na kailangan mo ng tulong sa pamamagitan ng mga koneksiyon. Maaaring dating kaklase, kasama sa organisasyon, o ka-alumni sa kolehiyo – koneksiyon pa rin itong matatawag. Sa katunayan, kadalasan ay mas mahusay na tukuyin na kailangan mo ng tulong nang maaga kaysa sa antalain ito. Kapag mayroon kang hamon na kailangan mo ng suporta, mag-tap sa network mo.
#3 Dalhin ang negosyo online
Siguro ang pinakamalaking aral noong kasagsagan ng pandemya ay ang pagkakaroon ng negosyo online. ‘Di ba halos lahat ng negosyo ay tumigil dahil sa mga lockdown? Tapos naging pangunahing paraan ng pagnenegosyo ay online, kasama na ang pagkakaroon ng mga delivery?
Ang pagkakaroon ng negosyo online (buo man o parte lamang) mula noong 2020 ay naging ganap na kritikal. At ito ay nagsisimula sa pagkakaroon ng mobile-responsive na website. Ito ay isang lugar na pagmamay-ari mo at maaaring idirekta ang mga tao para mas matuto sila tungkol sa kung sino ka at kung anong problema ang nireresolba mo para sa kanila. Simulan ang pagbebenta at pag-aalok ng mga ito sa iyong website gamit ang isang online na tindahan o gamit ang isang Facebook page.
Ang pagkuha ng iyong negosyo online ay hindi lamang nagpapanatili ng iyong kakayahang makipagnegosyo sa iyong mga umiiral nang kostumer. Binubuksan din nito ang iyong negosyo sa mga bagong potensyal na kostumer na maaaring hindi mo naabot dati sa tradisyonal na pamamaraan.
Noong empleyado ako at nagtatrabaho sa mga digital na kompanya gaya ng Multiply, nakita ko na noon pa kung saan papunta ang mga negosyo dahil paputang online na rin ang mga mamimili.
At dahil online na rin ang negosyo, isama mo na rin ang digital marketing o ang pagmarket gamit ang internet. Nakapaloob dito ang social media, email marketing, SEO, Google at Facebook advertising. ‘Di ko na palalawigin pa ang aspetong ito dahil marami na rin akong naisulat sa pitak ko ukol sa mga ito.
#4 Mahalaga ang cashflow at pamamahalaga ng pananalipi
Sabi nga, “cash is king.” ‘Yan naman talaga ang susi sa isang matagumpay na negosyo. Kung hindi maayos ang pamamahala mo ng pananalapi, babagsak ang negosyo mo.
Simple lang naman ang aral ko dito, na sa pamamahala ng maayos na negosyo, ang patuloy na pagsasaayos ng kita at puhunan at dapat isaalang-alang palagi.
Dahil sa dulo, walang negosyo kung walang pera. Ung ‘di ka magaling sa aspetong ito, kumuha ka ng mas may kaalaman. Ayusin ang mga libro ng accounting para maisaayos ang mga pananalapi gayundin sa larangan ng mga bayarin sa gobyerno, LGU at pinagkakautangan kung meron man.
#5 Mahalaga ang sales and marketing
Siyempre naman, ang benta ay mahalaga. Hindi ibig sabihin kung may negosyo ka, sadyang lalapit na lang ang mga mamimili. Ang mahalaga, gawin ang lahat-lahat ukol dito. Kumuha ng mga taong hahawak ng sales, gayundin ang marketing.
Sa linya ng marketing, natutunan kong magkuwento sa iba’t ibang pamamaraan at channels. Ang pagkakatanda ng mga kostumer sa iyong brand at kung ano ang pagkakatanda nila rito o reputasyon, ang siyang magbibigay ng patuloy na trapiko – sa website o online negosyo at sa tradisyonal na tindahan mo.
#6 Mahalaga ang patuloy at malawak na komunikasyon
Walang negosyo ang magtatagal kung ‘di maayos ang komunikasyon sa mga tauhan at kostumer. Ganyan lang ‘yan halos kasimple isipin ngunit sadyang mahirap gawin nang maayos.
Kritikal sa negosyo ang pakikipag-usap sa mga tao para ang mission at vision ng negosyo ay naipapahatid sa lahat.
Ang pagkakaroon ng feedback mechanism mula sa mga mamimili ay mahalaga upang malaman ang estado ng mga produkto o serbisyo at maging panuntunan sa pag-unlad ng negosyo.
#7 Huwag titigil sa pag-aaral at pagsasaliksik
Knowledge is power. Pinanghahawakan ko ang mga katagang ito mula kay Ernie Baron. Dahil mablis ang pag-ikot ng mundo sa larangan ng pagnenegosyo, dapat updated ka sa maraming bagay. Huwag iisiping alam mo na ang lahat. Dahil pagpapakumbaba na di mo alam ang lahat ang siyang magdadala sa yo ng mga kaalamang magagamit mo sa pagnenegosyo.
#8 Pahalagahan ang team
Kung aalagaan mo ang mga tao, aalagaan nila ang negosyo mo. Sadyang ‘di mo kayang gawin ang lahat. Kailangan mo ng maayos na team. Kaya naman dapat mo silang pangalagaan. Ayusin ang lugar na pinagtatrabahuhan nila. Alagaan ang mga benepisyo para ‘di sila umalis at lumipat.
Maging isang ehemplo sa mga tauhan. Kung nakikita nilang masipag ka, ganoon din sila. Ang isang lider ng negosyo ay sinisilip at ginagaya ng mga empleyado. Kung maayos kang lider, malamang, maayos din ang mga tauhan mo.
#9 Paghandaan ang mga ‘di inaasahang pangyayari
‘Yang ganyang kaisipan ang natutunan ko sa pandemya. Dumating kasi ‘yun ng walang pasabi at maraming negosyo ang nabigla. Sa totoo lang, 2018 pa nang kami ay nagpasyang gawing work from home ang mga tao. Kaya noong dumating ang pandemya, handa na kami, at lumago pa.
Tandaan na maraming signos ang nagsabing nagbabadya ang isang pandemya, mula kay Bill Gates noong 2015 pa. At nangyari na nga. Pero handa na kami.
#10 Pahalagahan ang integridad
Maraming aspeto ng negosyo ang kaakibat ang pagkakaroon ng integridad sa sarili at sa pagnenegosyo na mismo. Kung matapat ka sa sarili mo, sa mga tauhan, sa mga kostumer, at sa mga partners at pinagkakautangan man – lahat ay magaan gawin.
Sa dulo, ang sandigan mo ay ang iyong salita. ‘Yan din ang magiging puhunan mo upang magtagumpay.
vvv
Si Homer ay makokontak sa email na [email protected]