BUKIDNON – MAKAREKOBER ng 10 malalakas na kalibre ng baril ang tropa ng militar nang makasagupa ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa liblib na bahagi ng hangganan ng Kitanglad-Kalatungan Complex, sa nasabing lalawigan.
Base sa ulat ni 403rd Infantry Battalion Commander ng Philippine Army Col. Ferdinand Barandon, naganap ang anim na sagupaan sa pagitan ng teroristang grupo at tropa ng 1st Special Forces Battalion sa kagubatang sakop ng bayan ng Talakag, Bukidnon.
Makaraang humupa ang bakbakan, narekober sa clearing operation ng militar ang AK-47 rifle, M203 rifle grenade, M-16, mga improvised firearms at ibat ibang gamit pandigma ng mga rebelde.
Wala namang nasugatan sa hanay ng militar.
Magugunita na binuhusan ng malaking puwersa ng AFP ang nasabing lugar dahil sa serye ng pananambang ng teroristang NPA kabilang ang pagsalakay sa isang amusement area na pagmamay-ari ng retiradong sundalo sa nabanggit na bayan. VERLIN RUIZ
Comments are closed.