HINDI nahadlangan ng mga may-ari ng mga establisimiyento sa Boracay ang pagtibag sa kanilang mga istruktura na sinimulan na matapos na hindi maglabas ang korte ng order for injunction na kanilang hinihingi.
Bunsod nito, ipinagpatuloy ang demolisyon sa iba pang mga hotel at commercial establishments na lumabag sa easement law sa Bulabog Beach.
Batay sa pagdinig, hindi pumayag ang Boracay Inter-Agency Task Force sa pangunguna ni BIARMG general manager Natividad Berdandino sa apelang gentleman’s agreement ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na ipatigil muna ang demolisyon sa loob ng limang araw habang dinidinig ang hiling na writ of preliminary injunction.
Ngunit nanindigan si Berdandino na kailangang maging patas sa pagpapatupad ng anumang batas sa isla.
Aniya, sa 52 natukoy na non-compliant sa Bulabog area, ang 10 establishment owners na lamang ang hindi sumusunod sa utos na magsagawa ng self-demolition kahit na ang bahagi ng kanilang istruktura ay nakapaloob sa 30-meter easement.
Nitong nakaraang linggo ay sinimulan ang pagtibag sa 10 istruktura na nagdulot ng bahagyang tensiyon matapos na mapaso ang 20 araw na temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Aklan Regional Trial Court Branch 7. ABAYGAR, JR.