INIULAT kahapon ng Simbahang Katoliko na may 10 diyosesis sa bansa ang deklaradong ‘sede vacante’ o walang nangangasiwang obispo sa kasalukuyan.
Bukod dito, maaaring madagdagan pa ito ng apat pang diocese sa mga susunod na araw, dahil na rin sa nalalapit ng pagbibitiw sa puwesto ng mga obispong nakatalaga roon.
Batay sa ulat ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), tinanggap na ni Pope Francis ang maagang pagbibitiw sa posisyon ni Bishop Edgardo Juanich mula sa Apostolic Vicariate ng Taytay dahil na rin sa karamdaman.
Dahil sa pagbibitiw niya, umabot na sa 10 ang bilang ng mga diyosesis sa Filipinas na walang Obispo.
Bukod sa Taytay, wala na ring obispo ang diyosesis ng Butuan matapos na bawian ng buhay si Bishop Juan de Dios Pueblos noong Oktubre 2017; gayundin ang diyosesis ng Daet nang ilipat naman sa Archdiocese ng Lipa, Batangas ang ngayo’y si Archbishop Guilbert Garcera.
Nabakante rin ang diyosesis ng Iligan dahil sa pagkasawi ni Bishop Elenito Galido.
Ang naturang diyosesis sa kasalukuyan ay pansamantalang pinangangasiwaan ni Bishop Severo Caemare na siya ring obispo ng Diyosesis ng Dipolog.
Ang Prelatura naman ng Isabela ay wala ring Obispo ngayon, nang italaga bilang arsobispo ng Ozamis si Archbishop Martin Jumoad; habang sede vacante rin ang Vicariate ng Jolo Sulu, nang ilipat si Bishop Angelito Lampon bilang arsobispo ng Cotabato makaraan ang pagreretiro ni Orlando Cardinal Quevedo kamakailan.
Ang diyosesis naman ng Malolos ay kasalukuyang pinangangasiwaan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco dahil sa pagkamatay ni Bishop Jose Oliveros noong Mayo 2018.
Itinalaga rin bilang pansamantalang tagapangasiwa ng Military Ordinariate si Cebu auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio.
Wala rin namang obispo ang San Jose de Antique makaraang italaga bilang arsobispo ng Jaro, Iloilo si Archbishop Jose Romeo Juanito Lazo, kapalit ng nagretirong si Archbishop Angel Lagdameo.
Nasa ilalim din ng pangangasiwa ng mga itinalagang apostolic administrator ni Pope Francis ang Vicariate ng San Jose, Mindoro at Taytay.
Samantala, apat pa namang obispo, na umabot na sa edad na 75-taong gulang, ang nakatakda na ring magbitiw sa puwesto, kaya’t maaaring madagdagan pa ang mga diyosesis na sede vacante.
Base sa tala ng Radio Veritas News and Research Team, kabilang na rito si Novaliches Bishop Antonio Tobias, 77; Pagadian Bishop Emmanuel Cabajar, 76; Tuguegarao Archbishop Sergio Utleg, 75; at Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma,75.
Nakasaad sa Canon law ang pagtatakda ng ‘mandatory retirement age 75’ ng mga obispo.
Pagsapit nila sa nasabing edad ay awtomatiko na silang magsusumite ng resignasyon sa Vatican ngunit depende pa rin sa Santo Papa kung papayagan silang magpahinga na o palalawigin pa ang panunungkulan. ANA ROSARIO HERNANDEZ