CAVITE – UMAABOT sa 10 durugista kabilang ang dalawang drug dealer na naaktuhan sa pot session ang nasakote ng mga operatiba ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA 4A) sa anti-drug operation sa Barangay Panapaan 1, Bacoor City.
Isinailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Samuel Eusebio y Paraiso, 55; Noel Nikko Dela Cruz y Sulit, 21; Eusebio Rojas y Alonzo, 59, ng Brgy. Buhay na Tubig, Imus City; Jennifer Villalba y Ramos, 46; Remus Tan y Gecoso, 30; Rexie Casalan y Gosim, 52; Raffy Tabulao y Rosa, 30, ng Brgy. Habay 2; William Gatdula y Hernandez, 49; Benjo Reyes y Gabutan, 28; at si Christian Reyes y Sanchez, 43.
Base sa police report na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, bandang alas-10 ng gabi nang isinagawa ang drug bust sa itinuturing na drug den sa bahagi ng Barangay Panapaan, Bacoor City.
Nasakote ang mga suspek na lango na sa droga habang bumabatak ng shabu sa loob ng bakanteng bahay na ginawang drug den.
Nasamsam ang tumataginting na 30 gramo ng shabu na may street value na P204k digital pocket weighing scale, 2 piraso ng aluminum foil, 2 tooter, 2 disposable lighter at P400 drug money.
Isinailalim na sa drug test at physical examination ang mga suspek na kasalukuyang nasa police custodial facility habang pine-chemical analysis sa PNP Crime Laboratory Office sa Imus City ang nasamsam na 30 gramo na shabu para gamiting ebidensya sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO
Comments are closed.