10 PASAHERO NG BANGKA NASAGIP NG PCG

ROMBLON -NASAGIP ng Philippine Coast Guard (PCG) ang sampong katao matapos na magka-aberya ang bangkang sinasakyan ng mga ito na nagpapalutang lutang sa dagat sa Romblon, kamakalawa ng hapon.

Ayon sa ulat ng PCG-District Southern Tagalog, tinawagan ng skipper ng motorized boat “Jedidiah 2” ang PCG station sa bayan ng Looc na nagkaaberya ang kanilang vessel sakay ang siyam na pasahero sa katubigan ng Barangay Agojo dakong alas-3:40 ng hapon.

Kabilang ang local sea wardens ng rumesponde ang PCG personnel sa site at iniligtas ang mga sakay ng bangka, na kapwa nasa maayos na kondisyon.

Dinala ang mga nasagip na pasahero sa Looc Port.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, napansin ng boat operator na sira ang propeller shaft ng bangka, dahilan upang maantala ang paglalayag ng mga ito. EVELYN GARCIA