10 TIPS PARA MAGING MAS EPEKTIBO ANG PAG-WORK FROM HOME MO 

homer nievera

KUMUSTA, ka-negosyo? Sa panahon ng pandemya, mas pinili ng mga tao at ng mga negosyante ang mag-work-from-home. Kaya naman sinaliksik namin ang iba’t ibang mga payo ng mga matagumpay na entrepreneur at mga nagtatrabaho sa kanilang tahanan. Tiningnan natin ang kanilang mga gawain at kagamitan para maibahagi sa inyo. Tara na at matuto!

#1 Pagbabago ng Mindset

Ito marahil ang pinakakaraniwan sa lahat ng nabasa ko at napanood, gayundin sa mga nakausap kong mga entrepreneur. Ang pagkakaroon ng panibagong perspektibo ang unang kailangan mong magkaroon upang maka-adjust ka sa panibagong setup. Narito ka na sa ‘new normal’ na tinatawag. Matagal-tagal ang panahong lilipas bago bumalik tayo sa dati hanggang walang bakuna sa COVID-19 virus. Maraming mababago, gaya ng kawalan ng mga ka-opisina o kaya’y ang naghahalong kapaligiran ng trabaho at bahay. Bago na ang lahat. Tanggapin mo ito.

#2 Permanenteng lugar

Ang unang gagawin mo ay ang maghanap ng isang maayos na lugar na tatawagin mong opisina mo. Maaaring isang lamesa lang o isang buong kuwarto. Kung saan man o anuman ang puwestong ito, dapat maayos mong maitatawid ang pagtatrabaho mo. Tahimik dapat at ‘di ka magugulo. Kung tutuusin, ang sala ay ‘di tamang lugar ng opisina dahil lahat ng distraction ay nandun.

#3 Pag-invest sa maayos na kagamitan

Ang pangunahing kagamitan mo ay ang PC o laptop. Ito ang pangunahing magiging kasama mo sa pagtatrabaho. Kung ang kompanya mo naman ay nagpadala ng magagamit mo, mas ok. Basta siguraduhing ‘di pipitsugin kasi wala kang mahihingan kaagad ng tulong para ayusin ito. Bukod sa kagamitan, nariyan ang wifi connection. Pumili ng  naaayon sa pangangailangan. Dahil nasa bahay ka at malamang naka-Netflix ka na, baka kailangan mo nang i-upgrade ang serbisyo mo. Mas mainam kasi na ‘di bababa sa 10 mbps kasi nga may kaagay ka na sa paggamit, lalo na’t may mga naka-online learning kang kasabayan.

#4 Komportableng upuan, mesa at iba pa

Ilang oras ba ang gugugulin mo sa iyong trabaho? Kung mga walong oras iyan, isipin mo ang gagamitin mong mesa, upuan, ilaw at kung ano-ano pa. Dapat komportable ka. Kung kailangan mo ng tanim sa mesa mo, gawin mo. Tandaan mo na kung ano ang mayroon ka dati sa opisina mo, may rason ‘yun.

#5 Tamang oras ng pagtatrabaho

Kung walong oras ang dating ginugugol mo sa pagtatrabaho, ganoon din lang dapat kung work from home ka.  Sa totoo lang, napakahirap gawing simpleng walong oras ka lang magtatrabaho dahil makikita mo na mas relax ka naman, iwas trapik, at mas komportable ang lugar mo. Ngunit ‘di rin maganda sa kalusugan ang nakababad sa trabaho.

#6 Focus, focus, focus.

Dahil nga nasa bahay ka, maraming distraction ang makakasalamuha mo. Kailangan mong mag-focus sa gawain at piliting iwasan ang mga bagay na magpapalayo sa yong trabaho. Siyempre, ilang hakbang lang kasi ang kuwarto. Puwede kang matulog, ‘di ba? O kaya’y ilang click lang, nasa YouTube ka na o Netflix. Wala kasing ibang sisilip sa iyo. Magkaroon ka ng focus at mag-commit ka dito kung naisi mong maging produktibo. Sa isang banda, alamin mo ang mga bagay na magtutulak sa iyo na maging mas produktibo. Ikaw mismo ang makaaalam nito.

#7 Pag-update ng iyong listahan ng mga gagawin

Kung mayroon kang to-do list na tinatawag, i-update mo ito bawat umaga. Mas magkakaroon ka nang maayos ng pagplano ng mga gawain mo sa buong araw. Dahil dito, mas magiging produktibo ka dahil tila isang checklist lang ito ng mga gagawin mo.

#8 Pagdebelop ng regular na Gawain sa umaga

Kung may karaniwan kang gawain  o routine na tinatawag, mas ok. Isa sa normal na routine ko sa umaga ay ang paggawa ng kape at tutuloy ako sa altar para sa umagang dasal at kape. Tapos nun, bubuksan ko na ang PC at mag-scroll sa cellphone ng iba’t ibang mensahe. Magsisimula na nun ang trabaho ko. Ikaw, ano ba ang normal na gawain mo na siyang magtutulak na gumanda ang umaga mo at maging maayos ang simula ng pagtatrabaho? Kung ano ang magandang routine na nakukuha mong gawin, sundan at i-improve mo pa. Kaya mo yan.

#9 Ehersisyo

Kung may routine ka na, dapat kasama ang ehersiyo. Ako kasi, may kaunting stretching ako at ilang gawaing pang-ehersisyo. Pati ng ‘yung “Walk with Leslie” at pagbibisikleta, nagagawa ko. Ang paborito ko ay ang mga gawaing bahay na kasama sa mga routine ko. Basta, ang mahalaga ay ang oras upang maging mas maayos ang kalusugan mo. Ngayon, dapat mas may panahon ka para rito.

#10 Masustansiyang pagkain

Kung may ehersisyo, may masustansyang pagkain ka rin dapat. Sa totoo lang, mas may pagkakataon ka na para rito dahil puwedeng ikaw na mismo ang maghanda at magluto nito. ‘Di gaya nung nasa opisina ka na puro fastfood ang kinakain mo, ‘di ba? Alam mo ba na ang pinakabago kong blood exam ay lumabas na mas malusog ako ngayon? ‘Yun na siguro ang epekto ng masusutansiyang pagkain at “healthy lifestyle” na bunga ng pag-work from home ko.

Pagtatapos

Noong nagsulat ako noong Enero sa aking pitak na ito, naisulat ko na ang 2020 ay maraming tinatawag na plot-twist. Dumating ang pandemya. Eto na ang plot-twist na ‘yun. Ngunit kung mahuhulma mo sa tamang mindset at kasanayan ang iyong sarili, mapaghahandaan mo ang kahit na anong pagsubok sa buhay at pagnenegosyo – gaya ng pag-work from home, ‘di ba? Ang pagiging entrepreneur ay sadyang mahirap ngunit exciting. Magkaroon ka ng sipag at tiyaga at maging masinop sa lahat ng bagay.  Higit sa lahat, mangarap para sa kinabukasan kasama ng pagtiwala sa sarili at pananampalataya sa Diyos.



Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Maaari siyang makontak sa email niya na [email protected].

Comments are closed.