10 TIPS UPANG MAIWASAN ANG COMPUTER-VISION SYNDROME

COMPUTER-VISION SYNDROME

Naranasan mo na bang mahilo pagkatapos magbabad sa computer all day? Manlabo o manuyo ang mata? O makaramdam ng panlalabo nito? Eh ang madalas na pananakit ng leeg at balikat? Ilan lamang iyan sa mga sintomas ng Computer-Vision Syndrome. Ang sakit na ito ay tinatawag ding Digital Eye Strain.

Ayon sa American Optometric Association, ito ay ang pagkakaroon ng mga eye-problem dulot nang matagal na paggamit ng computer, tablet, cellphones at anumang gadget na may radiation. Ilan sa mga problemang ito ay ang panlalabo ng mata, farsightedness at astigmatism.

Narito ang ilan sa mga tip na makatutulong upang makaiwas sa pagkakaroon nito:

IPAHINGA ANG MATA

Ipahinga ang mata ng 15 minuto sa bawat 2 oras na pagtitig sa computer screen. Sundin ang exercise na ito lalo na kung maghapon kang magbababad sa computer upang maiwasan ang eye strain o pagkapagod ng mata.

SUNDIN ANG 20-20 RULE

eye problemPuwede rin namang alternatibo sa unang tip ang 20-20 rule. Sa bawat 20 minutong paggamit ng computer, tumitig sa malayo sa loob ng 20 segundo.

SANAYIN ANG KATAWAN SA GOOD-POSTURE

Kailangang kompor­table ka sa iyong kinau­upuan upang hindi manakit ang leeg at balikat. Umupo nang tuwid at siguraduhing katamtaman lamang ang taas ng upuan.

ILAYO ANG COMPUTER SA NAKASISILAW NA LUGAR

Hangga’t maaari, huwag ilagay ang computer malapit sa bintana, lampshade at light bulbs. Pinaniniwalaan kasing nakadaragdag sa eye strain ang glare at reflection. Kung hindi naman maiiwasan, puwedeng gumamit ng anti-glare screen na nakakabit sa computer o laptop.

GUMAMIT NG ANTI-RADIATION GLASSES

Maiiwasan naman ang panlalabo ng mata kung gagamit ng anti-radiation glasses. Ang mga lens na ito ay may kakayahang i-filter ang radiation upang hindi na ito direktang ma-absorb ng iyong mga mata.

DUMISTANSYA MULA SA COMPUTER SCREEN

Upang mas kompor­table ang pakiramdam sa paggamit ng computer, kailangang naka-slant ang computer screen sa sukat na 15-20 degrees below eye level. Dapat ding 20-28 inches ang distansya ng iyong mga mata mula rito.

I-ADJUST ANG BRIGHTNESS

Kung kaya naman, babaan nang bahagya ang brightness level ng iyong computer. Ito ay upang hindi kaagad mapagod ang mata.

I-PRAKTIS ANG EYE EXERCISES

 Subukan din ang mga eye exercises. Ayon sa pag-aaral, maaari nitong labanan ang paglabo ng paningin. Puwede mong ikut-ikutin ang mata at i-pokus ang paningin sa malayo.

HUWAG KALIMUTANG KUMURAP

Sa simpleng pagkurap lamang, nalilinis at namo-moisturize ang ating mga mata. Makatutulong din ito upang makaiwas sa irritation dahil naaalis ang mga dust particle na nasasagap ng mata.

IWASANG GUMAMIT NG GADGET KUNG HINDI NAMAN KAILANGAN

Maging mindful sa oras na inilalaan mo sa paggamit ng computer. Kung maaari, gamitin lamang ito for work purposes. Tandaan na may iba pang buhay sa labas ng gadgets. Hindi mo lamang magagamit ang iyong oras sa ibang makabuluhang bagay, mapananatili mo ring healthy ang iyong vision.

Sa panahong nagiging digital na halos lahat ng aspeto sa ating pamumuhay, hindi talaga maiiwasan ang paggamit ng gadgets.  Ngunit kaya naman na­ting iwasan ang mga sakit na maaaring idulot nito. Tandaan, nag-iisang pares lamang ang ating mata, kaya’t ito’y pakaingatan na. Huwag nang hintayin na lumala pa ang sakit bago umaksyon. Sabi nga ng isang palasak na quote, “Prevention is always better than cure.” (photos mula sa google) RENALENE NERVAL

 

Comments are closed.