ZAMBOANGA – MAHIGIT 100 undocumented o hindi dokumentadong manggagawang Filipino ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Zamboanga International Seaport (ZIS).
Ayon kay BI Commisioner Jaime Morente, nasa kabuuang 110 kababaihang pasahero ang naharang sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon ng mga tauhan ng BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU).
Ayon kay Morente, nagtangkang sumakay ng MV Antonia 1 patungong Sandakan, Malaysia ang unang 37 biktima.
Sa ulat ni ZIS Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) Head Usman Sabdani, hindi magkakatugma ang ibinigay na pahayag ng mga pasahero at nagprisinta rin ng pekeng pasaporte at ilang supporting documents.
Natuklasan din na karamihan sa mga ito ay patungong Qatar at Dubai kung saan hinikayat silang magtrabaho ng ilegal o walang tamang dokumento para sa kanilang pag-empleyo.
Habang ang 73 iba pang pasahero ay hinikayat naman na magtrabaho bilang household service workers at caregivers sa Dubai, Qatar, Bahrain, Lebanon, at Kuwait.
Napag-alaman na ang nasabing mga pasahero mula sa iba’t ibang lugar sa bansa at ni-recruit ng mga ahensya na karamihan ay sa pamamagitan ng Facebook.
Anang opisyal, ginagamit ang Malaysia bilang jump-off point sa Middle Eastern countries kung saan sila inalok ng trabaho. PAUL ROLDAN