100K OFWs BALIK PINAS SA AMNESTIYA NG UAE – DOLE

Labor Secretary Silvestre Bello III

MAYNILA – UMAASA ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nasa 100,000 overstaying at undocumented na overseas Filipino workers (OFWs) ang makikinabang sa tatlong buwang amnestiya na alok ng pamahalaan ng United Arab Emirates (UAE).

Kaugnay nito, nananawagan na si Labor Secretary Silvestre Bello III sa lahat ng mga OFW na overstaying at tumakas sa kanilang mga employer sa UAE na magpasailalim sa amnestiya upang makauwi sa Filipinas.

Nagsimula ang amnestiya ngayong buwan at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng ­Oktubre. Inaasahang nasa 87,706 na undocumented at over-staying na mga Filipinong manggagawa ang makikinabang nito sa Abu Dhabi at 14,400 naman sa Dubai.

Sa ilalim ng programang amnestiya, o ‘Protect Yourself via Rectifying Your Status,’ lahat ng dayuhan na lumalabag sa panuntunan sa paninirahan ay binibigyan ng pagkakataon na boluntaryong umalis ng UAE nang walang pananagutan sa batas o ga­wing legal ang kanilang estado sa pamamagitan ng pagbabayad ng tama.

Ang mga OFW na nais kumuha ng amnestiya ay maaaring humingi ng tulong mula sa Philippine Embassy sa UAE, maging sa Philippine Overseas Labor Office sa Abu Dhabi at Dubai.

Tinatayang mayroong 646,258 documented OFW sa UAE kung saan 224,572 mga OFW rito ay nasa Abu Dhabi habang 421,686 naman ang nasa Dubai.

Samantala, ang mga OFW na nais mapauwi ay makatatanggap ng agarang tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kabilang rito ang airport at cash assistance.

Bibigyan din sila ng employment referral para sa local at overseas, livelihood assistance, legal at conciliation service, competency assessment at training assistance sa mga mapapauwing OFW sa ilalim ng DOLE Assist WELL (Welfare, Employment, Legal and Livelihood) Program.    PAUL ROLDAN

Comments are closed.